Pakete sa Pagdinig sa Rehiyunal na Sentro ng Pahinga

Publications
#7136.08

Pakete sa Pagdinig sa Rehiyunal na Sentro ng Pahinga

Ang pahinga ay isang serbisyo na nagbibigay ng isang taong mag-aalaga sa mga kliyente ng rehiyunal na sentro na nakatira sa tahanan ng pamilya. Binibigyan nito ang mga miyembro ng pamilya ng pahinga mula sa mga responsibilidad ng pag-aalaga sa iyo o oras upang gawin ang ibang mga bagay. Ang pahinga ay pinopondohan ng rehiyunal na sentro. Maaari itong ibigay sa tahanan o sa isang alternatibong aprubadong kapaligiran.

Disclaimer: Ang publication na ito ay legal na impormasyon lamang at hindi legal na payo tungkol sa iyong indibidwal na sitwasyon. Ito ay kasalukuyang sa petsa na nai-post. Sinusubukan naming i-update ang aming mga materyales nang regular. Gayunpaman, ang mga batas ay regular na nagbabago. Kung gusto mong matiyak na hindi nagbago ang batas, makipag-ugnayan sa DRC o ibang legal na opisina.

Kabanata 1 - Panimula

Ang pahinga ay isang serbisyo na nagbibigay ng isang taong mag-aalaga sa mga kliyente ng rehiyunal na sentro na nakatira sa tahanan ng pamilya. Binibigyan nito ang mga miyembro ng pamilya ng pahinga mula sa mga responsibilidad ng pag-aalaga sa iyo o oras upang gawin ang ibang mga bagay. Ang pahinga ay pinopondohan ng rehiyunal na sentro. Maaari itong ibigay sa tahanan o sa isang alternatibong aprubadong kapaligiran.

Epektibo noong Enero 1, 2018, walang limitasyon sa dami ng pahinga na iyong maaaring matanggap, kaya maaaring karapat-dapat ka sa mas maraming oras kaysa sa tinatanggap mo ngayon. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang kautusan ng program sa mga rehiyunal na sentro ukol sa mga paghihigpit sa pahinga ayon sa Kodigo ng Kapakanan at mga Institusyon seksyon 4686.5, makukuha sa Ingles at Espanyol dito: https://www.dds.ca.gov/wp-content/uploads/2019/02/SupportSvcs_RespiteEnglish_20190215.pdf. Ang iyong pangangailangan para sa pahinga ay itinatalakay sa iyong pagpupulong sa Plano sa Indibiduwal na Programa (IPP, Individual Program Plan).

Sa aming karanasan, kadalasang tinatanggihan ang mga kliyente ng rehiyunal na sentro at kanilang mga pamilya ng dami at uri ng pahinga na kanilang kailangan. Halimbawa, ang mga serbisyo sa pahinga ay maaaring kailangang kasama ang pahinga sa pag-uugali o pangangalaga. Ilalarawan ng paketeng ito ang mga responsibilidad ng mga rehiyunal na sentro upang magbigay ng mga serbisyo sa pahinga at kung paano umapela ng pagtanggi, pagwakas, o pagbabawas ng pahinga.

ANG PROSESO NG IPP

Gayon din sa lahat ng mga serbisyo ng rehiyunal na sentro, ang pahinga ay awtorisado sa pamamagitan ng proseso sa Plano sa Indibiduwal na Programa (IPP, Individual Program Plan).

Dapat handa kang idokumento ang iyong pangangailangan para sa pahinga sa pagpupulong sa IPP. Isang kahirapan sa pagpapakita ng pangangailangan para sa pahinga ang magkakaiba ang mga pangangailangan at mga dahilan ng lahat para sa pahinga. Ang pangangailangan ay maaaring pangunahing dulot ng uri at kalubhaan ng iyong kapansanan, pag-uugali, o medikal na mga pangangailangan. O, maaaring ito ay dulot ng ibang mga pangangailangan ng pamilya. Halimbawa, kung ito ay isang pamilya na may isang magulang, kalusugan ng (mga) magulang, bilang ng ibang mga bata sa pamilya na nangangailangan ng pangangalaga, trabaho, at iba pang mga pangangailangan. Karaniwan, ang kombinasyon ng mga salik ang tutukoy sa dami ng pahinga na kinakailangan.

Madalas ginagamit ng mga rehiyunal na sentro ang mga patnubay sa “pagbili ng serbisyo” o POS (purchase of service) upang tukuyin ang dami ng pahinga na iyong matatanggap. Ang mga patnubay ay ginagamit ng mga taga-ayos ng serbisyo sa rehiyunal na sentro upang makita kung gaano kadaming pahinga ang karaniwang natatanggap ng mga tao. Gayunpaman, ang mga patnubay ay hindi maaaring gamitin upang tukuyin ang aktuwal na dami ng pahinga ng iyong matatanggap. Sinasaad ng Batas na Lanterman (Lanterman Act) na dapat nakaayon ang mga serbisyo sa mga pangangailangan ng bawat indibiduwal. Dapat ding mayroong mga eksepsyon ang mga patnubay sa POS sa pangkalahatang dami ng serbisyo. Ang pangkat ng IPP ay dapat isaalang-alang ang sitwasyon at pangangailangan ng iyong pamilya bago nila tukuyin kung ilang oras ng pahinga ang iyong matatanggap. Maaari kang humingi sa iyong rehiyunal na sentro ng kopya ng mga patnubay nito kabilang ang mga eksepsyon o maaaring ang mga ito ay nasa website ng rehiyunal na sentro. Maaari kang humiling sa iyong rehiyunal na sentro ng eksepsyon.

Kung ang iyong kahilingan para sa pahinga ay hindi karaniwan, talakayin muna ito sa iyong taga-ayos ng serbisyo sa rehiyunal na sentro at hilingin sa kanya na anyayahan ang kinakailangang mga tao sa pagpupulong. Inaatas ng batas na ang “gumagawa ng pasya” ay dumalo sa pagpupulong sa IPP – isang tao mula sa rehiyunal na sentro na may awtoridad na magsabi ng oo o hindi sa iyong kahilingan. Kung hindi ka sumang-ayon sa pagpupulong, sinasabi ng batas na ang rehiyunal na sentro ay dapat magtakda ng pangalawang pagpupulong sa loob ng 15 araw, kung hihilingin mo ito o ito ay sinang-ayunan ng pangkat ng pagpaplano. Muli, dapat mayroong isang tao ang rehiyunal na sentro sa pagpupulong na may awtoridad na sumang-ayon sa iyong kahilingan. Nakatutulong na humiling na dumalo sa pagpupulong ang isang gumagawa ng pasya kapag itinakda ang iyong pagpupulong.

Kung sumasang-ayon ang pangkat ng IPP sa mga serbisyo sa pahinga, dapat pumirma ka sa dokumento ng IPP bago maaaring magsimula ang mga serbisyo sa pahinga. Kung sumang-ayon ka sa ilang bagay ngunit hindi sa iba, isulat sa IPP kung aling mga serbisyo ang sumasang-ayon ka at kung alin ang hindi. Pagkatapos ay pirmahan ang IPP upang ang mga sinang-ayunan na mga serbisyo ay magkabisa.

Pumunta sa pagpupulong nang handang ipaliwanag ang lahat ng mga dahilan kung bakit mo kailangan ng bilang ng oras ng pahinga na iyong hinihiling. Ang pahinga, kasama ng lahat ng ibang mga serbisyo ng rehiyunal na sentro, ay isang karapatan. Nangangahulugan ito na hindi maaaring itanggi sa iyo ng rehiyunal na sentro ang mga serbisyo sa pahinga na kailangan mo dahil kulang ito sa pera o dahil itinuturing nito ang ibang mga serbisyo bilang mas mahalaga. Hindi ito nangangahulugan na makatatanggap ka ng mga serbisyo sa pahinga na gusto mo. Gayunpaman, ikaw ay karapat-dapat na makatanggap ng mga serbisyo sa pahinga na mapatunayan mong kailangan mo. Subukan mong patunayan ang iyong pangangailangan para sa pahinga sa isang pagpupulong sa IPP sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng iyong pangangailangan nang malinaw. Maaari kang gumamit ng mga halimbawa kung bakit kailangan mo ng pahinga at magdala ng mga sulat, dokumento, at ibang mga tao na makatutulong na itatag ang iyong pangangailangan para sa pahinga.

Maaari kang humiling ng makatarungang pagdinig kung hindi ka sumasang-ayon sa pagtanggi, pagwakas, o pagbabawas ng pahinga na sa tingin mo ay kailangan mo mula sa rehiyunal na sentro. Ang makatarungang pagdinig ay hindi katulad ng korte, ngunit mahalaga na ikaw ay maging handa. Ang mga makatarungang pagdinig ay karaniwang isinasagawa sa loob ng isang kuwarto sa or malapit sa rehiyunal na sentro. Ang huwis ay tinatawag na “huwis sa administratibong batas” o “ALJ” (administrative law judge).

Kabanata 2 – Ang Proseso sa Makatarungang Pagdinig

Sapat na Abiso

Kung gustong tanggihan, bawasan o wakasan ng rehiyunal na sentro ang mga serbisyo sa pahinga, dapat magtakda ng pagpupulong sa IPP ang rehiyunal na sentro. May karapatan kang makakuha ng nakasulat na abiso ng aksyon (NOA, Notice of Action) kung sinabi ng rehiyunal na sentro na “hindi” sa gusto mo. Kung tatanggihan ng rehiyunal na sentro na pagkalooban ka ng bilang ng mga oras na sa paniwala mo ay kailangan mo, karapat-dapat kang tumanggap ng nakasulat na NOA sa loob ng 5 araw ng pagpupulong. Ipinapaliwanag ng NOA kung bakit tinatanggihan ng rehiyunal na sentro ang mga serbisyo sa pahinga na gusto mo, paano humiling ng makatarungang pagdinig, mga hakbang sa pagdinig, at mga takdang petsa. Minsan hindi sasabihin ng mga rehiyunal na sentro sa iyo at sa iyong kinatawan ang tungkol sa karapatan sa NOA at proseso ng apela. Maaring kailanganin mong humingi ng nakasulat na NOA kung ang rehiyunal na sentro ay hindi nagbigay nito.

Para maging sapat ang isang NOA, dapat sabihin nito sa iyo kung ano ang planong gawin ng rehiyunal na sentro at anong mga batas ang nagpapahintulot sa kanila na gawin ito. Ang impormasyong ito ay makatutulong sa iyo na magpasyang umapela at maghanda para sa makatarungang pagdinig. Dapat sasabihin ng NOA:

  • Kung ano ang gagawin ng rehiyunal na sentro;
  • Kung bakit ginagawa ito ng rehiyunal na sentro;
  • Kung kailan ito gagawin ng rehiyunal na sentro;
  • Ang batas, patakaran, o polisiya na nagpapahintulot sa kanila na gawin ito;
  • Paano at saan maghain ng apela;
  • Mga takdang petsa ng paghain ng apela;
  • Impormasyon tungkol sa kung ano ang mangyayari sa proseso ng apela;
  • Paano repasuhin ang iyong mga talaan sa rehiyunal na sentro, at
  • Saan kukuha ng tulong sa nagtataguyod.

Kapag natanggap mo ang NOA, kailangan mong magpasya kung maghahain ka ng apela upang subukang makakuha ng mga serbisyo sa pahinga na kailangan mo.

Paghahain para sa Makatarungang Pagdinig

Mayroon ka lamang 60 araw upang humiling ng makatarungang pagdinig, simula sa petsa na natanggap mo ang nakasulat ng NOA ng pasya o aksyon na hindi ka sumang-ayon. Kung kasalukuyan kang tumatanggap ng pahinga ngunit gustong bawasan o wakasan ng rehiyunal na sentor ang iyong mga oras, dapat kang maghain ng apela sa loob ng 30 araw sa petsa na natanggap mo ang iyong NOA. Sa paggawa nito, magpapatuloy ang iyong mga oras ng pahinga sa panahon ng proseso ng apela.

Kung nakaligtaan mo ang 60-araw na limitasyon sa oras dahil hindi mo natanggap ang sapat na NOA, o wala talagang natanggap na NOA, dapat kang humiling ng makatarungang pagdinig kaagad. Kung tatanggihan, babawasan, o wawakasan ng rehiyunal na sentro ang iyong pahinga nang hindi nagbibigay sa iyo ng abiso, maaari ka pa ring umapela – hindi mo kailangan ng NOA upang umapela.

Upang humiling ng makatarungang pagdinig, punan ang Form sa Kahilingan ng Makatarungang Pagdinig na ipinadala ng rehiyunal na sentro kasama ng iyong NOA, na maaari ring makuha sa:

https://www.dds.ca.gov/general/appeals-complaints-comments/fair-hearings-complaint-process/ Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin. Isumite ang iyong kahilingan sa makatarungang pagdinig sa DDS at magtabi ng kopya para sa iyong sarili. Ibibigay ng DDS ang iyong kahilingan sa rehiyunal na sentro at sa Tanggapan ng mga Administratibong Pagdinig (OAH, Office of Administrative Hearings), na siyang ahensiya ng estado na nangangasiwa ng mga pagdinig sa rehiyunal na sentro. Hindi tumatanggap ang OAH ng mga dokumento sa pamamagitan ng fax. Maaari kang magpadala ng mga dokumento sa OAH o makipag-ugnayan sa OAH para sa karagdagang impormasyon sa kung paano ipadala ang mga dokumento sa elektronikong paraan. Mayroong karagdagang impormasyon sa kung paano magpadala ng mga dokumento sa elektronikong paraan sa website ng OAH: https://www.dgs.ca.gov/OAH/Services/Page-Content/Office-of-Administrative-Hearings-Services-List-Folder/File-or-Upload-OAH-Case-Documents?search=file%20electronic.

Pagpapanatili ng Iyong mga Serbisyo sa Pahinga Habang Ikaw ay Umaapela (“Bayad na Tulong Habang Naghihintay ng Pasya”)

Kung susubukan ng rehiyunal na sentro na baguhin ang mga serbisyo sa pahinga na natatanggap mo na, mayroon kang karapatan na panatilihing pareho ang iyong mga serbisyo sa pahinga habang ikaw ay umaapela. Dapat kang umapela sa loob ng 30 araw ng petsa na natanggap mo ang iyong NOA upang hindi mabago ang iyong mga serbisyo sa pahinga. Tinatawag itong “bayad na tulong habang naghihintay ng pasya”.

Impormal na Pagpupulong

Kapang naghain ka ng Form sa Kahilingan sa Makatarungang Pagdinig, maaari kang humiling ng impormal na pagpupulong at/o pamamagitan bago ang pagdinig. Ang impormal na pagpupulong ay isang pagpupulong sa pagitan mo (at iyong kinatawan, kung mayroon kang isa) at ng tagapangasiwa ng rehiyunal na sentro. Ang layunin ay upang lutasin ang isyu. Pagkakataon mo ito na makapulong ang rehiyunal na sentro at hikayatin sila na bigyan ka ng serbisyo sa pahinga na kailangan mo. Hindi mo kailangang magkaroon ng impormal na pagpupulong. Kung hihiling ka ng impormal na pagpupulong, dapat magbigay ang rehiyunal na sentro ng isa sa loob ng 10 araw ng pagtanggap ng iyong kahilingan sa makatarungang pagdinig, maliban kung sumang-ayon ka sa ibang araw.

Sa loob ng 5 araw ng trabaho matapos ang impormal na pagpupulong, dapat magpadala sa iyo ang rehiyunal na sentro ng nakasulat na pasya. Dapat nakalista sa nakasulat na pasya ang mga isyu na itinalakay sa pagpupulong. Dapat isaad ng pasya ang pasya ng rehiyunal na sentro sa bawat isyu, mga katotohanang sumusuporta sa bawat pasya, at ang mga batas, regulasyon at polisiya na ginamit ng rehiyunal na sentro upang magpasya.

Kung sumasang-ayon ka sa pasya ng rehiyunal na sentro matapos ang impormal na pagpupulong, maaari mong iurong ang iyong kahilingan sa makatarungang pagdinig. Gawin ito sa pamamagitan ng pagkumpleto ng form sa “Abiso ng Resolusyon” na ibinibigay ng rehiyunal na sentro, na makikita rin sa:

https://www.dds.ca.gov/general/appeals-complaints-comments/fair-hearings-complaint-process/ Magkakabisa ang pasya 10 araw matapos natanggap ng rehiyunal na sentro ang form sa “Abiso ng Resolusyon”. Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin.

Kung hindi ka sumasang-ayon sa pasya ng rehiyunal na sentro matapos ang iyong impormal na pagpupulong, maaari kang magpatuloy sa nakatakdang pamamagitan o makatarungang pagdinig. Hindi mo kailangang tanggapin ang pasya ng rehiyunal na sentro.

Pamamagitan

Maaari ka ring humiling ng pamamagitan. Ang pamamgitan ay isang pagpupulong kung saan ang isang malayang may kasanayan na tagapamagitan mula sa Tanggapan ng Administratibong mga Pagdinig (OAH, Office of Administrative Hearings) ay makikipagpulong sa iyo at sa isang kinatawan ng rehiyunal na sentro. Susubukan ng tagapamagitan na humanap ng parehong pananaw at bagong mga solusyon. Minsan, maaaring makipagpulong ang tagapamagitan sa bawat partido nang hiwalay upang lutasin ang isyu. Walang kapangyarihan ang tagapamagitan upang pilitin ang isang kasunduan. Kung umabot kayo sa isang kasunduan, pipirma ka sa isang dokumento ng kasunduan, at hihinto ang proseso ng apela. Kung hindi kayo umabot sa isang kasunduan, pupunta ka sa makatarungang pagdinig.

Kung hihiling ka ng pamamagitan, kailangang lumahok sa pamamagitan ang rehiyunal na sentro. Hindi mo kailangang magkaroon ng impormal na pagpupulong muna kung hindi mo gusto ng impormal na pagpupulong.

Ang pamamagitan ay isang mahalagang hakbang, at hinihikayat namin ang mga pamilya na dumalo sa pamamagitan bago pumunta sa pagdinig. Madalas na magandang ideya ito dahil binibigyan ka nito at ang rehiyunal na sentro ng isa pang pagkakatapon upang umabot sa pagkakasundo. Gayunpaman, gagahol ito ng oras. Maging handa na magkompromiso at maging malikhain tungkol sa kung paano mo maaaring malutas ang sitwasyon. Halimbawa, kung kailangan mo ng karagdagang pahinga sa ilang buwan kaysa sa iba, maaaring ibigay ng rehiyunal na sentro ang bloke ng mga oras ng pahinga nang 6 na buwan na maaari mong gamitin kung kinakailangan.

Kung hindi kayo umabot sa isang kasunduan sa pamamagitan, anumang mga alok ng kompromiso ay mananatiling kumpidensyal at hindi mo maaaring gamitin o ng rehiyunal na sentro laban sa kabilang partido sa ibang pagkakataon sa makatarungang pagdinig.

Kahit pa hindi gumana ang pamamagitan, magkakaroon ka ng karagdagang impormasyon tungkol sa kaso ng rehiyunal na sentro. Ang impormasyon ay maaaring makatulong sa iyo na maghanda para sa iyong makatarungang pagdinig. Kung sa tingin mo walang pag-asa para sa kasunduan, maaaring magpasya ka na HINDI mamagitan. Ito ay tinatawag na “nagpapaubaya sa pamamagitan.” Ngunit, maraming taong inisip na walang pag-asa para sa kasunduan ay umabot sa kasunduan sa pamamagitan. Kung ikaw o ang rehiyunal na sentro ay nagpaubaya ng pamamagitan, tiyakin na ikaw ay handa para sa iyong makatarungang pagdinig. Ang iyong pagdinig ay maaaring nakatakda nang mas maaga kung hindi ka pupunta muna sa pamamagitan.

Mga Panukala

Ang panukala ay isang kahilingan para sa huwis sa Tanggapan ng Administratibong mga Pagdinig upang magpasya ng isang bagay bago ang makatarungang pagdinig. Kabilang sa mga halimbawa ng mga panukala ang mga panukala para sa bayad na tulong habang hinihintay ang pasya, dahil maaaring mabigo ang rehiyunal na sentro na ipatuloy ang pagbibigay ng mga serbisyo, ang panukalang ipagpaliban ang petsa ng pagdinig, o mga panukala tungkol sa mga subpoena. Maaaring kang maghain ng mga panukala. Maaari ring maghain ng mga panukala ang rehiyunal na sentro.

Ang ilang mga rehiyunal na sentro ay naghain na mga panukala upang mapawalang-saysay ang kaso. Ang isang panukala na ipawalang-saysay ay humihiling sa ALJ na huwag pahintulutan ang pagdinig dahil wala kang karapatan sa makatarungang pagdinig. Ang uri ng panukalang ito ay bihira. Salungat din ito sa batas, na ginagarantiya ang iyong karapatan sa makatarungang pagdinig. Ang eksepsyon ay kapag walang makatotohanang isyu, halimbawa, kung sinasabi ng batas na walang sinuman ang kailanman karapat-dapat para sa partikular na serbisyo, anupaman ang kanilang mga pangangailangan.

Makatarungang Pagdinig

Ang huling hakbang sa proseso ng apela ay ang makatarungang pagdinig. Nagaganap ito sa loob ng 50 araw ng iyong kahilingan para sa makatarungang pagdinig maliban kung ikaw o ang rehiyunal na sentro ay hihiling ng isang pagtatagal (karagdagang panahon). Ang makatarungang pagdinig ay isinasagawa sa harap ng Huwis sa Administratibong Batas (ALJ, Administrative Law Judge) mula sa Tanggapan ng Administratibong mga Pagdinig (OAH, Office of Administrative Hearings). Sa makatarungang pagdinig, dapat unang maglahad ng kaso ang rehiyunal na sentro. Maglalabas ang ALJ ng pasya sa loob ng 10 araw pagkatapos ng makatarungang pagdinig.

Pagpapatagal (Pagpapaliban)

Ikaw o ang rehiyunal na sentro ay maaaring humiling sa OAH ng pagpapatagal ng pamamagitan o petsa ng makatarungang pagdinig. Hindi mo kailangan ng mabuting katwiran upang humiling ng pagpapatagal sa unang pagkakataon na ikaw ay humiling nito. Ngunit para sa anumang karagdagang kahilingan, dapat mayroong kang “mabuting dahilan” para ipagkaloob ng OAH ang iyong kahilingan. Ang “mabuting dahilan” ay nangangahulugan na mabuting katwiran. Ang “mabuting dahilan” ay maaaring may isang mahalagang saksi na hindi makadadalo sa petsa ng makatarungan pagdinig, isang sakit, emerhensiya, o pagkamatay ng malapit na kamag-anak.

Upang ipagpaliban ang petsa ng makatarungang pagdinig, maaari kang maghain ng “Panukala para sa Pagpapatagal ng Pagdinig at Paubaya ng Oras.” Narito ang link sa form ng panukala:

https://www.dgs.ca.gov/-/media/Divisions/OAH/Forms/GJ-Forms/OAH24.pdf?la=en&hash=BEB591E13540FF3FC99D4B5238528704384F7546 Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin.

Ang form ay may patlang kung saan kailangan mong ipaliwanag ang katwiran kung bakit mo kailangan ng pagpapatagal ng makatarungang pagdinig kung hindi ito ang iyong unang kahilingan. Maaari ka ring maglakip ng anumang mga dokumento na susuporta sa iyong pangangailangan para sa pagpapatagal.

Sasabihin sa iyo ng form na tumawag sa kinatawan ng rehiyunal na sentro at humiling na sumang-ayon siya sa pagpapatagal ng makatarungang pagdinig. Sa patlang na ibinigay sa form, isulat ang pangalan at numero ng telepono ng tao sa rehiyunal na sentro na iyong nakausap. Isulat sa form kung ang tao ay sumang-ayon o tumutol sa pagpapatagal.

Ikaw o ang iyong kinatawan ay dapat pumirma sa bahagi na pinamagatang, “Pagpapaubaya ng Oras na Itinakda ng Batas para sa Makatarungang Pagdinig at Pagpasya sa Batas na Lanterman.” Upang pagkalooban ng isang pagpapatagal, dapat sumang-ayon ka na “ipaubaya” ang mga takdang petsa ng pagdinig. Nangangahulugan ito na sumasang-ayon ka na gaganapin ang makatarungang pagdinig nang mas matagal sa 50 araw pagkatapos ng iyong kahilingan sa makatarungang pagdinig ay natanggap ng rehiyunal na sentro.

Ipadala ang nakumpletong form sa pagpapatagal sa OAH. Hindi tumatanggap ang OAH ng mga dokumento sa pamamagitan ng fax. Maaari kang magpadala ng mga dokumento sa OAH o makipag-ugnayan sa OAH para sa karagdagang impormasyon sa kung paano ipadala ang mga dokumento sa elektronikong paraan.

Kung wala kang sapat na panahon upang ipadala ang nakasulat na panukala para sa pagpapatagal, maaari mong subukang tumawag sa OAH at humiling ng pagpapatagal sa telepono.

Pag-urong nang Walang Pagkiling

Kung ang iyong kahilingan sa pagpapatagal/pagpapaliban ng petsa ng iyong pagdinig ay tinanggihan, o kung hindi ka handang pumunta sa makatarungang pagdinig, maaari kang humiling na umurong mula sa makatarungang pagdinig “nang walang pagkiling.” Nangangahulugan ito na kung umurong ka mula sa makatarungang pagdinig, hindi nito maaapektuhan ang iyong karapatan na iapela ang isyu sa ibang pagkakataon. Mas mabuting umurong nang walang pagkiling kaysa pumunta sa pagdinig nang hindi handa. Inaatas ng OAH na punan mo ang form sa Abiso ng Resolusyon. Narito ang link sa form: https://www.dds.ca.gov/wp-content/uploads/2019/05/DS1804.pdf Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin. Tingnan ang apendise E para sa halimbawang sulat upang umurong nang walang pagkiling.

Pagsasama-sama

Ang pagsasama-sama ay kapag ang dalawa o higit pa sa iyong mga kaso sa pahinga ay dininig sa parehong panahon ng parehong ALJ. Maaari ka ring humiling ng pagsasama-sama. Maaari ring ipagsama ng OAH ang iyong mga kaso sa pahinga. Kung hindi ka sumasang-ayon, maaari mong sabihin na “hindi.” Magpapasya ang ALJ kung pagsasamahin ang iyong mga kaso sa pahinga batay sa batas at kalagayan ng mga kaso.

Mga Tagapagsalin

Kung ikaw o isang saksi ay nangangailangan ng isang tagapagsalin, makipag-ugnayan kaagad sa OAH. Maaari mo ring sabihin na kailangan mo ng isang tagapagsalin sa iyong form sa kahilingan sa makatarungang pagdinig. Magbibigay ang OAH ng isang sertipikadong tagapagsalin nang walang bayad.

Accessibility sa Lokasyon ng Pagdinig

Karamihan sa makatarungang mga pagdinig ay ginaganap sa rehiyunal na sentro. Ang mga lokasyon ng pagdinig ay dapat mapupuntahan ng mga taong may mga kapansanan. Suriin sa OAH nang maaga upang matiyak na ang lokasyon ay mapupuntahan. Kung nangangailangan ang isang taong may kapansanan ng makatuwirang kaluwagan upang dumalo sa makatarungang pagdinig, makipag-ugnayan kaagad sa OAH upang makagawa sila ng mga pagsasaayos.

Pagkuha ng Ibang Huwis

Alamin ang tungkol sa iyong huwis (ALJ, Administrative Law Judge) bago ang makatarungang pagdinig. Maaaring makakuha ka ng ibang ALJ kung ang isang nakatalaga sa iyo ay may kasaysayan ng pagkampi o pagkiling. Gagawin mo ito sa pamamagitan ng paghain ng panukala na tumalikod (tanggalin) ang ALJ. Ang halimbawang panukala upang gawin ang kahilingan na ito ay nasa Apendise B.

Upang humanap ng impormasyon tungkol sa ALJ na nakatalaga sa iyong kaso, tingnan ang website ng OAH sa: https://www.dgs.ca.gov/OAH/Case-Types/General-Jurisdiction/GJ-Calendar (kalendaryo ng pangkalahatang hurisdiksyon) at ipasok ang iyong numero ng kaso. Magtatalaga ng ALJ malapit sa petsa ng makatarungang pagdinig. Pagkatapos, pumunta sa: https://www.dgs.ca.gov/OAH/Case-Types/General-Jurisdiction/Resources/DDS-Decisions at ipasok ang pangalan ng ALJ. Makikita mo ang listahan ng mga kasona pinasyahan ng ALJ. Basahin ang ilang mga kaso upang makita kung gusto mo ang ALJ na ito ang magpasya sa iyong kaso. Kung hindi, maghain ng panukala upang tumalikod ang ALJ at ipadala ito sa OAH kasama ng iyong impormasyon sa pakikipag-ugnayan. Kung hindi ka makarinig mula sa OAH, tawagan sila bago ang makatarungang pagdinig upang malaman kung ang iyong kahilingan ay pinagkalooban. Karaniwan, ang kahilingan ay ipagkakaloob.

Kabanata 3 – Paghahanda para sa Makatarungang Pagdinig

Pagtukoy sa Iyong Legal na Argumento

Ang iyong legal na argumento ay ang batas at ang mga katotohanan na inaasahan mo upang ipakita na kwalipikado ka para sa bilang ng mga oras ng serbisyo sa pahinga na iyong hinihiling. Upang ihanda ang iyong legal na argumento:

  • Pag-aralan ang batas na sumusuporta sa iyong posisyon. Ang ilan sa batas ay maaaring makita sa Apendise D: Halimbawang Buod ng Pagdinig ng Naghahabol, sa pahina 36 sa ilalim ng pamagat IV. NAAANGKOP NA BATAS.
  • Maghanap at magbasa ng nakaraang mga pasya sa Makatarungang Pagdinig sa sumusunod na link: https://www.dgs.ca.gov/OAH/Case-Types/General-Jurisdiction/Resources/DDS-Decisions Maghanap gamit ang salitang “pahinga” upang humanap ng mga kaso sa isyu na iyon lamang.

Maaaring sabihin ng rehiyunal na sentro na hindi ka makatatanggap ng mga serbisyo sa pahinga dahil mayroon kang pangangalaga o mga oras sa Mga Serbisyong Pansuporta sa Bahay (IHSS, In-Home Supportive Services). Gayunpaman, hindi ito kinakailangang totoo. Ang mga oras ng serbisyo na ito ay maaari lamang ituring na pahinga kung natutugunan ng mga ito ang lahat ng iyong mga pangangailangan sa pahinga. Ang pahinga na iyong matatanggap ay maaaring bawasan dahil mayroon kang pangangalaga o mga oras sa IHSS. Ang pangangalaga at IHSS ay magkaibang mga serbisyo, at nakakamit nila ang ibang mga bagay.

Maghanda ng Iyong Patunay

Ang patunay ay mga katotohanan na sumusuporta sa iyong paghahabol tungkol sa iyong mga serbisyo sa pahinga. Maaaring kabilang sa patunay ang mga dokumento at testimoniya ng mga saksi. Gumamit lamang ng mga patunay na may kaugnayan. May kaugnayan ang patunay kung nakatutulong ito na patunayan na karapat-dapat ka para sa pahinga na itinanggi, binawasan o tinanggal ng rehiyunal na sentro.

Pangongolekta ng Nakasulat na Patunay (Mga Dokumento)

Mangalap ng anumang nakasulat na patunay na sumusuporta sa iyong legal na argumento. Kabilang sa ilang mga halimbawa ng patunay ang:

  • Paglalarawan ng serbisyo sa pahinga;
  • Iyong IPP na naglalarawan ng mga layunin ng serbisyo sa pahinga;
  • Mga ulat o pagtatasa na sumusuporta sa pangangailangan sa pahinga;
  • Mga ulat ng pag-unlad mula sa tagapag-bigay ng serbisyo sa pahinga;
  • Mga paghahayag mula sa mga kawani o ibang tao tungkol sa serbisyo sa pahinga;
  • Mga nakaraang kahilingan para sa pahinga; at
  • Anumang iba pang mga dokumento na sumusuporta sa iyong pangangailangan sa pahinga.

Maaari kang humiling ng mga talaan mula sa mga paaralan, tagapagbigay sa kalusugan, at ahensiya ng pamahalaan na maaaring mayroong kapakipakinabang na impormasyon. Huwag maghintay na humiling ng mga talaan. Ang pangangalap ng mga dokumentong ito ay madalas mas matagal kaysa sa iniisip mo.

Maaari kang humiling sa mga taong kilala ka na sumulat ng mga sulat o paghahayag. Maaaring bigyan ng ALJ ng higit pang bigat ang impormasyon mula sa taong nasa makatarungang pagdinig bilang isang saksi kaysa sa isang taong sumusulat ng sulat o paghahayag.

May karapatan ka na makita ang anumang mga talaan sa iyong file sa rehiyunal na sentro, kabilang ang mga talaan na nakuha ng rehiyunal na sentro mula sa panlabas na mga ahensiya o inbiduwal. Dapat bigyan ka ng rehiyunal na sentro ng access sa iyong mga talaan sa loob ng 3 araw ng trabaho matapos kang humiling na makita ang mga ito. Dapat tulungan ka rin ng rehiyunal na sentro na maunawaan ang iyong mga talaan. Kung ang file sa rehiyunal na sentro ay naglalaman ng mga dokumento na makatutulong na patunayan ang iyong kaso, isama ang mga ito sa iyong patunay. Huwag ipagpalagay na magkakaroon ang ALJ ng mga ito dahil mayroon ang rehiyunal na sentro ng mga ito. Makikita lamang ng ALJ ang mga dokumentong isinusumite mo at ng rehiyunal na sentro.

Tingnan ang mga patakaran, patnubay, at eksepsyon sa Pagbili ng Serbisyo (POS, Purchase of Service) ng rehiyunal na sentro para sa pahinga. Ang mga ito ay maaaring nakalagay sa website ng iyong rehiyunal na sentro o maaari kang tumawag sa rehiyunal na sentro at humiling ng kopya. Kung kapakipakinabang ang mga patnubay sa iyong kaso, isama ang mga ito sa iyong patunay.

I-subpeona ang ahensiya upang maglabas ng mga talaan para sa iyong makatarungang pagdinig. Pinipilit ng “subpoena duces tecum” ang ahensiya na magdala ng mga talaan na mayroon sila at patunayan sa ALJ na ang mga dokumento o talaan ay hindi binago. Maaari kang humiling na gawin ito ng ahensiya sa pamamagitan ng nakasulat ng paghahayag o pasalitang testimonya. Ang form sa subpoena para sa mga makatarungang pagdinig sa rehiyunal na sentro ay matatagpuan dito: https://www.dgs.ca.gov/OAH/Case-Types/General-Jurisdiction/Forms/Page-Content/DDS-Forms Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin.

Paghahanda ng mga Saksi

Ang testimonya ng isang saksi ay isa ring uri ng patunay. Ang mga saksi ay kinakailangang i-subpoena kung hindi sila sumasang-ayon na tumestigo at ang kanilang testimonya ay kapakipakinabang sa iyong kaso. Ang subpoena ay isang legal na kautausan na pipilit sa kanila na dumalo sa makatarungang pagdinig upang tumestigo. I-subpeona ang mga saksi at hilingin ang mga saksi na tumestigo sa sandaling makakuha ka ng petsa sa makatarungang pagdinig para makadadalo ang mga tao. Ang form sa subpoena ay matatagpuan dito:

https://www.dgs.ca.gov/OAH/Case-Types/General-Jurisdiction/Forms/Page-Content/DDS-Forms Kung hindi mo makukuha ang form online, mangyaring makipag-ugnayan sa amin.

Pag-isipan kung ano ang gusto mong malaman ng ALJ mula sa mga testimonya ng iyong mga saksi. Isulat ang mga tanong para sa iyong mga saksi nang maaga. Sagutin ang mga tanong na ito kasama ng mga saksi upang matiyak na naiintindihan nila ang iyong itinatanong. Minsan kinakailangang ibahin ang pagkakatanong para maunawaan ng saksi. Kung malaman mo na hindi kapakipakinabang sa iyo ang kanilang sagot, huwag itanong ang tanong sa makatarungang pagdinig.

Maghanda rin na tumestigo, dahil ikaw ang pinakamabuting saksi para sa iyong sarili o iyong anak. Maging handa na sabihin kung bakit kailangan mo ng mga serbisyo sa pahinga. Sabihin kung bakit ang ibang mga serbisyo ay hindi naging matagumpay o hindi makukuha. Magbigay ng kapakipakinabang na mga halimbawa ng kung bakit mo kailangan ng serbisyo sa pahinga.

Mga Karaniwang Saksi

Ang mga karaniwang saksi (mga hindi dalubhasa) ay maaaring makadagdag sa kaso na iyong inilalahad. Maaaring tumestigo ang mga karaniwang saksi tungkol sa mga katotohanan na alam nila tungkol sa iyo, kaya pag-isipan kung sino ang mas nakakakilala sa iyo. Ang mga miyembro ng pamilya ay karaniwang mabuting pagpipilian, ganoon din ang kasalukuyan o dating mga tagapagbigay ng pangangalaga, kapitbahay, at tagapagbigay ng serbisyo. Pumili ng mga karaniwang saksi na lumalabas na walang pinapanigan at walang kinikilingan sa ALJ. Ang mga karaniwang saksi ay maaaring mayroong praktikal, makatuwirang impormasyon at mga kwento na ang mga nakakakilala lamang sa iyo ang makapagbibigay.

Palitan ng Listahan ng Saksi at Patunay

Hindi bababa sa 2 araw ng negosyo bago ang makatarungang pagdinig, ikaw at ang rehiyunal na sentro ay dapat magpalitan ng impormasyon tungkol sa patunay na inyong gagamitin sa pagdinig.

Dapat bigyan ka at ang OAH ng rehiyunal na sentro ng tinatawag na pahayag ng posisyon dalawang araw ng negosyo bago ang pagdinig. Ang pahayag ng posisyon ay dapat magbigay sa iyo ng mga katotohanan tungkol sa pasya ng rehiyunal na sentro at ang mga dahilan para sa pasya, kabilang ang impormasyon tungkol sa mga saksi na gagamitin nito sa pagdinig, at isama ang lahat ng mga dokumento na gagamitin nito sa pagdinig. Ang pahayag ng posisyon ay dapat nasa iyong sariling mas gustong wika o sa iyong awtorisadong kinatawan.

Hindi mo kakailanganing maghanda ng pahayag ng posisyon kung hindi mo gusto. Ngunit 2 araw bago ang pagdinig, kakailanganin mong bigyan ang rehiyunal na sentro ng listahan ng mga saksi at kung paano ka nila kilala at isang kopya ng anumang propesyunal na mga pagtatasa o ulat na pinaplano mong gamitin upang patunayan ang iyong kaso. Kung gusto mong gumamit ng ibang mga dokumento upang patunayan ang iyong kaso, maaari mong ibigay ang mga ito sa OAH at sa rehiyunal na sentro anumang oras bago magsimula ang pagdinig o sa simula ng pagdinig.

Maaari kang pigilan ng ALJ o ng rehiyunal na sentro mula sa paglalabas ng mga dokumento at saksi na hindi binigay sa isa’t isa 2 araw ng negosyo bago ang makatarungang pagdinig. Sa araw ng makatarungang pagdinig, magdala ng tatlong kopya ng mga dokumentong ito: isa para sa iyo; isa para sa ALJ; at isa para tingnan ng mga saksi kapag sila ay tumestigo.

Kapitulo 4 – Sa Panahon at Pagkatapos ng Makatarungang Pagdinig

Dumating sa makatarungnang pagdinig nang may maraming oras na nalalabi. Ang makatarungang pagdinig ay maaaring mahabang proseso, kaya magdala ng tubig at meryenda. Magdala ng panulat at papel upang magtala sa panahon ng makatarungang pagdinig.

Pambungad na Pahayag

Magbigay ng pampungad na pahayag. Ang pambungad na pahayag ay hindi kinakailangan, ngunit nakatutulong ito na ipaliwanag sa ALJ kung tungkol saan ang pagdinig. Dapat ilarawan sa iyong pambungad na pahayag ang serbisyo sa pahinga na hinihingi mo at bakit. Dapat isama mo ang batas na sumusuporta sa iyong kahilingan. Ilarawan ang iyong sarili o iyong anak para maunawaan ng ALJ kung ano ang kailangan mo o ng iyong anak. Ang iyong pambungad na pahayag ay dapat isang maikling buod ng iyong kaso. Unang magbibigay ang rehiyunal na sentro ng pambungad na pahayag nito. Pagkatapos magbibigay ka ng iyong pahayag.

Pagtatanong ng mga Saksi

Mga Saksi ng Rehiyunal na Sentro

Unang ilalahad ng rehiyunal na sentro ang mga saksi nito. Maaari mong tanungin ang saksi ng rehiyunal na sentro ng mga tanong pagkatapos magtanong ang rehiyunal na sentro. Tinatawag itong “cross-examination.” Ang iyong mga tanong ay dapat tutulong na ipakita na hindi nauunawaan ng saksi ang isang bagay, nakalimutan ang mga katotohanan, o mali. Maaari ka ring magtanong ng mga tanong na nagpapakita na ang saksi ay may kinakampihan, nagpapalit ng mga sinasabi, o maaaring hindi nagsasabi ng totoo. Maaari kang magtanong ng mga tanong na magpapakita na ang saksi ng rehiyunal na sentro ay hindi kilala ang iyong anak nang lubos o hindi kilala ang kalagayan ng iyong pamilya. Maaari ka ring magtanong ng mga tanong upang ipakita na ang saksi ng rehiyunal na sentro ay gumawa ng hindi wastong mga pagpapalagay o hindi gumagawa ng indibiduwal na pasya ngunit umaasa sa isang pabagu-bagong patakaran o polisiya upang tukuyin ang iyong pahinga.

Maiging magmasid habang ang mga saksi ng rehiyunal na sentro. Maaaring mapansin mo ang isang kahinaan na itanong mamaya sa iyong cross-examination. Kung hindi, manatili sa pagtatanong ng mga tanong sa cross-examination na iyong isinulat bago ang pagdinig. Hindi magandang ideya na magtanong ng tanong kung hindi mo pa alam ang sagot, maliban kung sa tingin mo na ang maaaring sagot ay makabuluhang makatutulong sa iyong argumento.

Iyong Sariling mga Saksi

Sunod, magtatanong ka ng mga tanong sa iyong sariling mga saksi. Tinatawag itong “direktang-pagsusuri (direct-examination).” Ang mga saksi ay dapat pag-usapan lamang ang mga tungkol sa mga bagay na sarili nilang nagawa o nakita o narinig.

Magtanong ng maikli, simple, klarong mga tanong.

Maliban sa paglalahad ng iyong pangunahing argumento, maaari mong tanungin ang iyong mga saksi ng mga tanong upang pabulaanan ang mga bagay na sinabi ng mga saksi ng rehiyunal na sentro. Kung hindi, manatili sa pagtatanong ng mga tanong na inihanda mo bago ang pagdinig. Maaari ka ring magtanong ng mga follow-up na tanong kung hindi malinaw ang sagot ng iyong saksi.

Ang rehiyunal na sentro ay magkakaroon ng pagkakataon na ma-cross-examine ang iyong mga saksi. Maaari ring tanungin ng ALJ ang mga saksi. Pagkatapos ma-cross-examine ng rehiyunal na sentro ang iyong saksi, magkakaroon ka ng pagkakataon na tanungin ang iyong saksi ng karagdagang mga tanong. Tinatawag itong “direktang muling pagsusuri.” Maaari mong ipalinaw sa iyong saksi o sabihing muli ang anumang negatibo na maaaring lumitaw sa cross-examination.

Pagtatapos na Pahayag/Buod ng Pagdinig

Sa makatarungang pagdinig, maaari mong matanto na ang ALJ ay wala ng lahat ng impormasyon upang gumawa ng mabuting pasya. Kung gayon, maaari mong hilingin sa ALJ na “panatilihing bukas ang talaan.” Maaaring sabihin ng ALJ ang “oo” o “hindi” rito. Kung sasang-ayon ang ALJ na panatilihin ang talaan na bukas, papahintulutan nito ang parehong partido na bigyan ang ALJ ng karagdagang mga dokumento at impormasyon pagkatapos ng pagdinig.

Karaniwang hihingin ng ALJ ang pagtatapos na pahayag sa katapusan ng makatarungang pagdinig upang lagumin ang patunay. Lagumin ang iyong inilahad sa makatarungang pagdinig at muling ihayag ang iyong posisyon na karapat-dapat ka sa serbisyo sa pahinga. Minsan, ang parehong partido ay sasang-ayon na gumawa ng nakasulat na pagtatapos na buod kaysa sa isang pasalitang pagtatapos na pahayag. Nagbibigay-daan sa iyo ang opsyon na ito na pag-isipan ang tungkol sa lahat ng testimonya bago mo lagumin ang iyong argumento. Ang nakasulat na buod ng pagdinig ay dapat magbigay ng impormasyon at mga katotohanan na iyong inilahad at magsaad ng batas na sumusuporta sa iyong kaso sa pahinga. Kung papanatilihin ng ALJ na bukas ang talaan pagkatapos ng pagdinig at magpapahintulot ng karagdagang patunay, maaari mong isama ito sa iyong buod sa pagdinig. Ang Halimbawang Buod ng Pagdinig ay kasama sa Apendise D.

Pagkatapos ng Makatarungang Pagdinig

Pagkatapos ng makatarungang pagdinig, ang ALJ ay mayroong 10 araw upang sumulat ng pasya. Ang pasya ay dapat gawin nang hindi lalampas sa 80 araw pagkatapos mong hilingin ang iyong apela. Ang pasya ng ALJ ay dapat:

  • Nakasulat sa simpleng pang-araw-araw na wika;
  • Nakasalin sa iyong mas gustong wika;
  • May kasamang buod ng mga katotohanan;
  • May kasamang pahayag tungkol sa patunay na ginamit ng ALJ upang magpasya;
  • May kasamang pasya tungkol sa bawat isyu o tanong sa kahilingan sa pagdinig at inilahad sa pagdinig; at
  • Ilahad ang mga batas, regulasyon, at polisiya na sumusuporta sa pasya ng ALJ.

Kung hindi ka sumasang-ayon sa pasya ng makatarungang pagdinig, mayroon kang dalawang opsyon.

Una, maaari kang humiling ng muling pagsasaalang-alang kung sa tingin mo ang pasya ay gumawa ng mga mali sa katotahan o legal. Maaari kang humiling ng muling pagsasaalang-alang sa loob ng 15 araw ng pasya. Ang ibang opisyal sa pagdinig ang rerepaso sa iyong kahilingan. Ang pasya na ipagkaloob o tanggihan ang iyong kahilingan para sa muling pagsasaalang-alang ay gagawin sa loob ng 15 araw.

Pangalawa, maaari kang umapela sa nakatataas na korte ng iyong county. Dapat kang umapela sa loob ng 180 araw ng pagkatanggap ng pasya ng makatarungang pagdinig. Ito ay isang komplikadong proseso, at maaaring kakailanganin mo ng isang abogado. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa prosesong ito, tingnan ang Mga Karapatan sa Ilalim ng Batas na Lanterman (Lanterman Act), Kapitulo 10: https://rula.disabilityrightsca.org/rula-book/chapter-10-appeals-and-complaints-disagreements-with-regional-centers-developmental-centers-or-service-providers/

Apendise

Apendise B: Halimbawang Kahilingan upang Magpalit ng Huwis

Paglalathala #7136.08 Apendise-B (pdf)

Apendise C: Halimbawang Listahan ng mga Saksi at Patunay ng Naghahabol

Paglalathala #7136.08 Apendise-C (pdf)

Apendise D: Halimbawang Buod ng Pagdinig ng Naghahabol

Paglalathala #7136.08 Apendise-D (pdf)

Apendise E: Halimbawang Form upang Umurong sa Pagdinig (Form sa Abiso ng Resolusyon DS1804)

Mag-click Dito para sa Form sa Abiso ng Resolusyon DS1804 (Sa Ingles)