Papel ng Katotohanan: Mga Hayop na Pang-serbisyo sa mga Negosyo at Pampublikong Lugar

Publications
#F114.08

Papel ng Katotohanan: Mga Hayop na Pang-serbisyo sa mga Negosyo at Pampublikong Lugar

Hindi ka maaaring magdala ng emosyonal na suporta ng mga hayop sa mga negosyo o pampublikong lugar. Maaari kang magdala ng mga hayop sa serbisyo sa mga lugar na iyon. Sinasabi sa iyo ng pub na ito kung paano malalaman kung ang iyong hayop ay isang serbisyong hayop. Kung ang isang negosyo ay hindi nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng iyong serbisyo ng hayop, ang pub na ito ay nagsasabi sa iyo kung ano ang maaari mong gawin upang mapanatili ang iyong hayop sa iyo.

Disclaimer: Ang publication na ito ay legal na impormasyon lamang at hindi legal na payo tungkol sa iyong indibidwal na sitwasyon. Ito ay kasalukuyang sa petsa na nai-post. Sinusubukan naming i-update ang aming mga materyales nang regular. Gayunpaman, ang mga batas ay regular na nagbabago. Kung gusto mong matiyak na hindi nagbago ang batas, makipag-ugnayan sa DRC o ibang legal na opisina.

Panimula

Ipinagbabawal ng Titulo II ng Batas sa Mga Amerikanong May Kapansanan (ADA, Americans with Disabilities Act) (42 Kodigo ng Estados Unidos (U.S.C., United States Code) mga Seksyon 12131-12165) ang diskriminasyon ng mga “pampublikong entidad” laban sa mga taong may mga kapansanan.  Ipinagbabawal ng Titulo III (42 U.S.C. mga Seksyon 12181-12189) ang diksriminasyon ng mga “pampublikong panuluyan” laban sa kapansanan.  Ang mga pampublikong entidad ay mga lugar na pinapatakbo ng isang pang-estado o lokal na pamahalaan, tulad ng mga gusali ng pamahalaan, pampublikong transportasyon at pampublikong liwasan, at tinutukoy dito bilang mga “pampublikong lugar.” Ang mga pampublikong panuluyan ay mga lugar ng negosyo na bukas sa publiko, tulad ng mga restoran, hotel, sinehan, tindahan, medikal na tanggapan at mga ospital, at tinutukoy dito bilang mga “negosyo.” Ang Batas na Unruh (Unruh Act) ng California (Kodigo Sibil (Civil Code) mga Seksyon 51- 51.2), Batas sa mga Taong may Kapansanan (Disabled Persons Act) (Kodigo Sibil mga Seksyon 54-55.32) at Kodigo ng Pamahalaan (Government Code) Seksyon 11135 (para sa mga programang pinapatakbo ng estado o mga negosyo na tumatanggap ng tulong pinansiyal sa estado) ay nagbibigay ng katulad na mga proteksyon.

Ang Seksyon 504 ng Batas sa Rehabilitasyon ng 1973 (Rehabilitation Act of 1973) ay nagbibigay ng halintulad na mga proteksyon para sa pederal na mga ahensiya tulad ng    Mga Serbisyo sa Koreo, at para sa mga programa ng estado at lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon kabilang ang mga paaralan at unibersidad na tumatanggap ng pederal na tulong pinansyal. Ang pagbabyahe sa eroplano ay pinamamahalaan ng sarili nitong mga regulasyon, na tinatalakay sa ibaba.

Ang mga taong may kapansanan ay walang karapatan na magdala ng mga hayop na pang-emosyunal na suporta sa mga negosyo at pampublikong lugar. Ang karapatang ito ay naaangkop lamang sa mga hayop na pang-serbisyo. Samakatuwid, kung ikaw ay humihiling ng access sa mga lugar na ito, mahalagang malaman kung ang iyong hayop ay kwalipikado bilang isang hayop na pang-serbisyo.

Mga Karapatan sa mga Hayop na Pang-serbisyo sa mga Negosyo at Pampublikong lugar

A. Ano ang Hayop na Pang-serbisyo?

Ang “hayop na pang-serbisyo” ay isang aso na indibiduwal na sinanay upang magsagawa ng trabaho at mga tungkulin kung saan makikinabang ang isang taong may kapansanan, kabilang ang pisikal, pandama, saykayatriko, intelektwal, o iba pang uri ng pangkaisipan na kapansanan. Bagama’t ang pakahulugan na ito ay limitado sa mga aso, itinakda ng mga pederal na regulasyon na ang mga maliliit na kabayo ay dapat pahintulutan bilang mga hayop na pang-serbisyo sa mga negosyo at pampublikong lugar kung sila ay indibiduwal na sinanay upang ang isang indibiduwal na may kapansanan ay magbebenepisyo at maaaring makatuwiran na tanggapin. Ang isang hayop ay hindi hayop na pang-serbisyo kung ang indibiduwal na may kapansanan ay nagbebenepisyo sa kanyang presensya lamang.

Kabilang sa ilang mga halimbawa ng mga tungkulin na isinasagawa ng mga hayop na pang-serbisyo ay ang: pagsindi ng mga ilaw, pagpulot ng mga bagay, pagbigay ng estabilidad, pagpapalakas ng pandamdam at terapiya gamit ang malalim na presyon para sa tagahawak. Kung ang udyok ay hindi isang sadyang kautusan mula sa tagahawak, ang pagkilala at tugon ng aso ay ang trabaho ng aso na pang-serbisyo . Kabilang sa mga halimbawa ng trabaho ng aso na pang-serbisyo ay (ngunit hindi limitado sa) pagpipigil o paghihinto ng pabigla-bigla o mapaminsalang mga pag-uugali, pagpapaalala sa indibiduwal na uminom ng gamot, at pag-alis sa natatarantang indibiduwal mula sa mapanganib na mga sitwasyon. Walang tiyak na legal na kinakailangan sa dami o uri ng trabaho na dapat gawin ng hayop na pang-serbisyo para sa benepisyo ng taong may kapansanan.

B. Paano Ko Maipapakita na ang Aking Aso ay Isang Hayop na Pang-serbisyo?

Ang tanging kinakailangan upang maging hayop na pang-serbisyo ay ang aso ay indibiduwal na sinanay upang magbenepisyo ang taong may kapansanan. Maaaring sanayin ang hayop na pang-serbisyo ng isang propesyunal, kaibigan, o miyembro ng pamilya, o taong may kapansanan. Sa ilalim ng ADA, ang aso na pang-serbisyo ay hindi kinakailangan na maging rehistrado bilang isang aso na pang-serbisyo, o magsuot ng espesyal na etiketa o tsaleko na nagpapakila sa kanya bilang isang hayop na pang-serbisyo. Itinakda ng batas ng California para sa mga kagawaran ng pangangasiwa ng lokal na hayop na maglabas ng mga etiketa ng pagkakakilanlan sa mga taong gumagamit at nagsasanay ng mga hayop na pang-serbisyo. Gayunpaman, maliban kung ang aso ay isang hayop na pang-serbisyo na sinasanay, ang mga etiketa ay hindi kinakailangan at hindi nagtatatag na ang hayop ay isang hayop na pang-serbisyo sa ilalim
ng batas. 

Maliban kung may dahilan upang paniwalaan na ang hayop ay magdudulot ng banta sa kalusugan o kaligtasan, ang opisyal ng negosyo o pamahalaan ay maaari lamang magtanong ng dalawang tanong upang matukoy kung ang hayop ay kwalipikado bilang isang hayop na pang-serbisyo: 1) Kinakailangan ba ang hayop dahil sa kapansanan ng tagahawak?; at 2) Anong trabaho o tungkulin sinanay ang hayop na isagawa? Sa ilalim ng batas sa California, ang pagsisinungaling na ang aso ay sinanay na hayop na pang-serbisyo ay isang maliit na paglabag sa batas na maaaring parusahan ng hanggang anim na buwan na pagkakulong at/o hanggang $1,000 na multa (Kodigo ng Parusa (Penal Code) Seksyon 365.7(a)).

C. Kailan Maaaring Tanggihan ng Access ang Aking Hayop na Pang-serbisyo sa Negosyo o Pampublikong Lugar?

Ang mga negosyo at pampublikong lugar ay hindi kinakailangan na magpahintulot ng access sa mga hayop na pang-serbisyo na nagdudulot ng banta sa iba, wala sa ilalim ng pangangalaga at pangangasiwa ng tagahawak, o makabuluhang baguhin ang uri ng mga kalakal, serbisyo o programa na ibinibiay ng negosyo o entidad ng pamahalaan.

Ang “direktang banta” ay isang makabuluhang panganib sa kalusugan o kaligtasan ng iba na hindi maaaring matanggal sa pamamagitan ng pagbabago ng mga patakaran, kasanayan, o pamamaraan, o pagbibigay ng mga pantulong o serbisyo. Halimbawa, ang asong nangangagat nang hindi ginagalit ay maaaring magdulot ng direktang banta.  Sa pagtukoy kung ang direktang banta ay umiiral, ang entidad ay dapat gumawa ng;

indibiduwal na pagtatasa, batay sa makatuwirang pagpapasya na nakasalalay sa kasalukuyang medikal na kaalaman o sa pinakamahusay na walang kinikilingang ebidensya na mayroon. Dapat suriin ng pagtatasa ang: Uri, haba, at kalubhaan ng panganib; Ang posibilidad na ang potensyal na pinsala ay talagang mangyayari; at kung ang makatuwirang mga kaluwagan sa mga patakaran, kasanayan, o pamamaraan o ang pagbibigay ng mga pantulong o serbisyo ay mababawasan ang panganib.

Ang hindi pagsama ng hayop na pang-serbisyo batay sa direktang banta ay dapat batay sa aktwal na pag-uugali ng partikular na hayop, hindi sa mga pagpapalagay o estereotipo tungkol sa kung paano ang aso, o ang lahi ng hayop, ay maaaring kumilos.

Ang hayop na pang-serbisyo ay dapat laging nasa ilalim ng pangangalaga at pangangasiwa ng tagahawak nito, o sa isang taong itinalaga ng tagahawak. Ang taong may kapansanan ay maaaring hilingin na alisin ang kaniyang hayop na pang-serbisyo mula sa lugar kung ang hayop ay hindi makontrol at ang tagahawak ng hayop ay hindi gumagawa ng epektibong kilos upang pigilan ito, o kung ang hayop ay hindi sinanay na dumumi sa tamang lugar. Ang responsibilidad na pangasiwaan at pangalagaan ang hayop na pang-serbisyo ay hindi napupunta sa negosyo o entidad ng pamahalaan na nagbibigay ng access.

Karaniwan, ang hayop ng pang-serbisyo ay dapat may guwarnisyon, tali o ibang panuga. Gayunpaman, kung ang tagahawak ay hindi makakagamit ng guwarnisyon, tali o ibang panuga dahil sa kapansanan, o kung ang paggamit ng panuga ay makahahadlang sa kaligtasan ng hayop na pang-serbisyo, epektibong pagganap ng trabaho o mga tungkulin, ang tagahawak ay maaaring gumamit ng ibang paraan upang pigilin ang hayop.

Maaari ring hindi papasukin sa mga negosyo at gusali ng pamahalaan ang hayop na pang-serbisyo kung ang pagpapapasok dito ay mahalagang babaguhin ang uri ng mga kalakal, serbisyo o programa na iniaalok ng lokasyon. Halimbawa, maaaring ipagbawal ng isang zoo ang mga pang-serbisyong hayop sa mga lugar kung saan ang mga hayop na nakatanghal ay mga natural na pagkain o natural na kinakain ng mga aso, o kung saan ang presensiya ng aso ay makagagambala sa mga hayop na nakatanghal.

D. Maaari Ko Bang Dalhin ang Aking Hayop na Pang-serbisyo Kasama Ko sa Ospital?

Ang mga ospital at ibang mga pasilidad ng pangangalaga ng kalusugan ay itinuturing na tulad ng ibang mga negosyo at pampublikong lugar para sa mga layunin ng access ng hayop na pang-serbisyo. Ang mga hayop na pang-serbisyo ay dapat pahintulutan sa ospital kung saan ang mga kawani ng pangangalaga sa kalusugan, mga pasyente at bisita ay pinahihintulutan na pumunta. Kabilang dito ang mga silid ng pasyente at ibang mga pampublikong lugar ng inpatient at outpatient na mga yunit ng kalusugan sa isip, kabilang ang mga nakakandadong pasilidad ng kalusugan sa isip. Ang mga pasyente ay dapat kayang pangalagaan ang hayop, o dapat magsaayos para pangalagaan ng isang tao ang hayop kung kinakailangan. Ang mga hayop na pang-serbisyo ay maaaring hindi isama sa mga lugar ng ospital na may limitadong access na nagsasagawa ng mga karaniwang hakbang sa pangangasiwa ng impeksyon, tulad ng mga silid sa pag-opera at mga yunit ng paso. Tulad ng ibang mga negosyo at lugar ng pamahalaan, kapang ang mga kawani ng pangangalaga sa kalusugan ay hindi tiyak kung ang hayop ay isang hayop na pang-serbisyo, maaari nilang tanungin ang tagahawak kung ang hayop na pang-serbisyo ay kinakailangan dahil sa kapansanan, ngunit hindi maaaring mangailangan ng sertipikasyon o ibang dokumento ng katayuan ng hayop na pang-serbisyo.

E. Maaari Ko Bang Dalhin ang Aking Hayop na Pang-serbisyo sa Eroplano?

Oo, hangga’t ang iyong hayop na pang-serbisyo ay isang aso.  Ang biyaheng panghimpapawid ay pinamamahalaan ng pederal na Batas sa Access sa Sasakyang Panghimpapawid (ACAA, Air Carrier Access Act) (49 U.S.C. Seksyon 41705) at ang nagpapatupad na regulasyon14 Kodigo ng Pederal na Regulasyon (C.F.R., Code of Federal Regulations) Seksyon 382. Ang Kagawaran ng Transportasyon (DOT, Department of Transportation) ng Estados Unidos ay naglabas ang ng panghuling panuntunan sa pagbiyahe ng mga hayop na pang-serbisyo epektibo Enero 4, 2021. Bago ang pagbabago, ang mga taong may mga kapansanan ay makapagdadala ng mga hayop na pang-serbisyo at/o mga hayop na pang-emosyunal na suporta sa mga airline. Ang bagong panuntunan ay nagpapahintulot lamang ng mga hayop na pang-serbisyo para sa isang taong may pisikal at/o saykayatrikong kapansanan. Ang hayop na pang-serbisyo ay tinutukoy bilang aso, anupaman ang lahi o uri, na indibiduwal na sinanay upang magsagawa ng trabaho o magsagawa ng gawain para sa benepisyo ng kwalipikadong indibiduwal na may kapansanan, kabilang ang pisikal, pandama, saykayatriko, intelektuwal, o ibang pangkaisipan na kapansanan.

Buod ng mga Probisyon:

  • Ang mga airline ay maaaring humiling ng kumpletong hardcopy o eletronikong bersyon ng  “Pormularyo ng Pagbiyahe sa Himpapawid ng Hayop na Pang-Serbisyo ng Kagawaran ng Transportasyon ng Estados Unidos (U.S. Department of Transportation Service Animal Air Transportation Form)” ng Kagawaran (tingnan sa website ng iyong airline para sa napupunang mga pormularyo) bilang kondisyon ng biyahe hanggang 48 oras bago ang biyahe kung ginawa ang reserbasyon ng pasahero bago ang naturang panahon;
  • Limitahan ang bilang ng mga hayop na pang-serbisyo na bumibiyahe kasama ng isang pasahero sa pinakamarami na 2 at iatas na ang hayop na pang-serbisyo ay guwarnisyunan, itali o isuga sa airport at sa eroplano.  Maaari rin nilang iatas na kandungin ng pasahero ang aso o ilagay sa espasyo sa kanilang paanan.  Hindi pinahihintulutan ang mga airline na tanggihang sumakay ang hayop na pang-serbisyo batay sa lahi o laki;
  • Aatasan ang mga pasaherong bumibiyahe nang 8 o higit pang oras na patunayan na ang hayop na pang-serbisyo ay hindi dudumi, o kayang dumumi sa malinis na paraan sa pamamagitan ng pagbigay ng kumpletong hardcopy o elektronikong bersyon ng “Pagpapatunay sa Pagdumi ng Hayop ng Kagawaran ng Transportasyon ng Estados Unidos (U.S. Department of Transportation Service Animal Relief Attestation)” ng Kagawaran (tingnan sa website ng iyong airline para sa napupunang mga pormularyo) at
  • Ang mga pasahero ay maaaring magcheck-in online at hindi kinakailangang magcheck-in sa airport.

F. Maaari bang Maningil ng Bayad ang mga Negosyo o Entidad ng Pamahalaan para sa Access ng Hayop na Pang-serbisyo?

Ang isang negosyo o entidad ng pamahalaan ay hindi atasan ang isang taong may kapansanan na bayaran ang deposito o dagdag na singil upang masamahan ng isang hayop na pang-serbisyo, kahit pa ito ang kanilang patakaran para sa mga alagang hayop.  Kung ang isang pampublikong panuluyan o pampublikong entidad ay karaniwang sinisingil ang mga panauhin nito para sa pinsalang idinulot sa lugar, maaaring singilin ang may-ari ng hayop na pang-serbisyo para sa naturang mga pinsala.

G. Maaari Ko Bang Dalhin ang Aking Hayop na Pang-serbisyo na Sinasanay sa isang Negosyo o Pampublikong Lugar.

Ang mga hayop na sinasanay ay hindi saklaw sa ilalim ng ADA. Gayunpaman, pinapahintulutan ng Batas sa mga Taong May Kapansanan ng California (California Disabled Persons Act) ang mga taong may kapansanan, at mga indibiduwal na sinasanay ang mga hayop na pang-serbisyo na dalhin ang aso sa anumang pampublikong lugar para sa layunin ng pagsasanay ng aso na magbigay ng serbisyo kaugnay sa kapansanan. Kabilang dito ang mga negosyo, pampubliko at pribadong transportasyon, tirahan, at ibang mga lugar kung saan inaanyayahan ang karaniwang publiko. Ang aso ay dapat may tali, at laging suot ang ibinigay ng county na etiketa na kumikilala sa aso bilang hayop na pang-serbisyo o pantulong na hayop na sinasanay. Ang tagahawak ng aso ay responsable para sa anumang pinsala na gawin ng aso sa lugar o pasilidad.

Mga Reklamo at Paghahabla

Kung ikaw ay naniniwala na hindi wastong diniskrimina dahil sa iyong hayop na pang-serbisyo ng isang negosyo o pampublikong entidad, maaari kang magsampa ng reklamo sa Kagawaran ng Hustisya (DOJ, Department of Justice) Kung ang reklamo ay laban sa pamahalaan o isang pribadong entidad na tumatanggap ng pederal na pagpopondo, sa gayon ang reklamo ay dapat matanggap sa loob ng 180 araw ng insidente ng pagdiskrimina (kung kailan nangyari ang problema). Walang huling araw para sa pagsampa ng reklamo laban sa isang negosyo sa ilalim ng ADA na hindi tumatanggap ng pederal na pagpopondo, ngunit pinakamainam na magsampa ng reklamo sa lalong madaling panahon. Ang karagdagang impormasyon kung paano magsampa ng reklamo sa Kagawaran ng Hustisya ay maaaring makita sa https://www.ada.gov/filing_complaint.htm, o sa pamamagitan ng Linya ng Impormasyon ng ADA (ADA Information Line) sa (800) 514-0301 (voice); (800) 514-0383 (TTY).

Maaari ka ring magsampa ng administratibong reklamo para asa anumang uri ng diskriminasyon laban sa kapansanan na kinasasangkutan ng iyong aso na pang-serbisyo o hayop na pang-emosyunal na suporta sa ilalim ng batas ng California sa Kagawaran ng Makatarungang Trabaho at Pabahay (DFEH, Department of Fair Employment and Housing) sa loob ng isang taon mula sa huling petsa ng disckriminasyon. Maaaring makita ang impormasyon tungkol sa kung paano magsampa ng reklamo sa DFEH sa https://www.dfeh.ca.gov/filing-a-complaint-online/ o sa pamamagitan ng pagtawag sa (800) 884-1684 (boses) o (800) 700-2320 (TTY). 

Ang Kagawaran ng Transportasyon ng Estados Unidos Ang pormularyo ng Kagawaran sa Transportasyon para sa pagsampa ng mga reklamo na kaugnay sa kapansanan sa mga sasakyang panghimpapawid ay makikita sa: http://www.dot.gov/airconsumer/file-consumer-complaint.

Bilang kahalili o dagdag sa pagsampa ng reklamo sa DOJ o DFEH, maaari kang magsampa ng kaso sa pang-estado o pederal na korte para sa kautusan at pahayag sa kaluwagan sa ilalim ng pederal at pang-estado na batas. Ang mga danyos na pera ay maaaring magamit sa ilalim ng batas ng estado, kabilang ang pinakamababang danyos ayon sa batas na $4,000 sa bawat insidente ng diskriminasyon. Kodigong Sibil §52. Ang mga kaso ay dapat isampa sa loob ng dalawang taon matapos ng insidente ng diskriminasyon.

Kung ikaw ay naghahangad ng mas mababa sa $10,000 na halaga ng danyos, ang isa pang opsyon ay magsampa ng kaso ng diskriminasyon sa Korte ng Maliliit na mga Paghahabol (Small Claims Court).  Ang mga kautusan sa mga limitasyon na itinalakay sa itaas ay naaangkop. Hindi ka maaaring gumamit ng abogado kung ikaw ay pupunta sa korte ng maliliit na paghahabol. Narito ang link sa isang paglalathala ng Disability Rights California na nagpapaliwanag sa proseso ng paggamit ng Maliliit na Paghahabol para sa mga kaso ng diskriminasyon: http://www.disabilityrightsca.org/pubs/520601.pdf.

Dagdag pa, inaatas ng Batas sa mga Paghahabol ng mga Maling Gawain ng Pamahalaan (Government Tort Claims Act) na ang paghahabol sa maling gawain ng pamahalaan ay isampa sa loob ng anim na buwan ng insidente sa diskriminasyon bago dalhin ang kaso para sa halaga ng danyos laban sa isang estado o lokal na entidad ng pamahalaan. Ang karagdagang impormasyon tungkol sa mga paghahabol sa mga maling gawain ay makikita sa http://www.disabilityrightsca.org/pubs/522901.htm Mangyaring tandaan na ang website na ito ay naglalaman ng pormularyo para sa mga paghahabol laban sa estado o ahensiya o empleyado ng estado, na maaaring hindi naaangkop sa iyong kaso. Ang ibang mga pampublikong entidad ay maaaring may mga sariling pormularyo ng mga paghahabol ng maling gawain na makukuha sa kanilang website. Kung interesado ka na ituloy ang kaso, dapat kang kumonsulta sa isang abogado sa lalong madaling panahon.