Papel ng Dapat Malaman Tungkol sa Mga Serbisyo sa Edukasyon at Pagsasanay sa Pamamagitan ng Kagawaran ng Rehabilitasyon ng California

Publications
#5572.08

Papel ng Dapat Malaman Tungkol sa Mga Serbisyo sa Edukasyon at Pagsasanay sa Pamamagitan ng Kagawaran ng Rehabilitasyon ng California

Fact Sheet sa Mga Serbisyo sa Edukasyon at Pagsasanay sa pamamagitan ng Departamento ng Rehabilitasyon ng California.

Disclaimer: Ang publication na ito ay legal na impormasyon lamang at hindi legal na payo tungkol sa iyong indibidwal na sitwasyon. Ito ay kasalukuyang sa petsa na nai-post. Sinusubukan naming i-update ang aming mga materyales nang regular. Gayunpaman, ang mga batas ay regular na nagbabago. Kung gusto mong matiyak na hindi nagbago ang batas, makipag-ugnayan sa DRC o ibang legal na opisina.

1. Makakatulong ba ang Kagawaran ng Rehabilitasyon sa edukasyon at pagsasanay upang makakuha ako ng trabaho?

Oo. Kung kailangan mo ito upang makamit ang iyong hangarin sa pagtatrabaho ang Department of Rehabilitasyon (Kagawaran ng Rehabilitasyon, DOR) ay makakatulong. Kabilang dito ang pagsasanay sa isang kolehiyo ng komunidad, apat-na-taong unibersidad, gradwadong paaralan, mga bokasyonal na programa at mga programang sertipiko.

Ang “mataas na pagsasanay” ay maipagkakaloob sa maraming larangan kabilang ang agham, teknolohiya, inhinyeriya, matematika (kabilang ang agham ng computer) medisina, batas, o negosyo, at iba pa, upang tulungan ang mga indibidwal na sumulong sa kanilang mga karera. I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa pagsasanay ng DOR.

Depende sa iyong hangarin sa pagtatrabaho at iyong mga personal na pangangailangan, ang DOR ay maaaring lubos na magpondo sa iyong pagsasanay sa pamamagitan ng isang pribadong paaralan, o isang labas-ng-estado na paaralan. Sa pangkalahatan, ang DOR ay magbabayad para sa pinakamurang opsyon sa pagsasanay para sa iyong hangarin sa pagtatrabaho. Tingnan ang mga tanong 7-12 sa ibaba para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano nagpapasya ang DOR kung magkano ang babayaran nito sa mga serbisyo sa pagsasanay, kabilang ang labas-ng-estado na pagsasanay.

2. Paano nagpapasya ang DOR sa antas ng pagsasanay na babayaran nila?

Ang DOR ay maaaring magkaloob ng mga serbisyong pagsasanay na kailangan upang bigyan ka ng mga kasanayan at mga kredensiyal upang makamit ang iyong hangarin sa pagtatrabaho.

Halimbawa, kung ang hangarin ng IPE ay maging isang manggagawang panlipunan, ang pagsasanay ay bubuuin ng pagkuha ng isang digri sa gawaing panlipunan at pagpasa ng eksaminasyon sa paglisensiya.

3. Makakapili ba ako ng hangarin sa pagtatrabaho na hindi antas-ng-pagpasok?

Oo. Ikaw ay HINDI llimitado sa pagpili ng “antas-ng-pagpasok” na mga trabaho (iyon ay, mga Trabahong karaniwang nangangailangan ng mas mababang pagsasanay at madalas na nagbabayad ng mas mababang sahod kaysa isang hindi antas-ng-pagpasok na posisyon.).

Sa nakaraan, tumutulong lamang ang DOR sa antas-ng-pagpasok na trabaho, pero nagbago ang batas noong 2014 sa pagpasa ng Workforce Innovation Opportunity Act (Batas sa Oportunidad sa Inobasyon ng Lakas Paggawa, WIOA). Ngayon ang DOR ay dapat tumulong sa mga indibidwal upang isulong ang kanilang mga oportunidad sa trabaho, at makamit ang mataas magpasuweldo at makabuluhang mga karera.

4. Hindi ako makakuha ng trabaho sa aking kasalukuyang hangarin sa pagtatrabaho. Makakatulong ba sa akin ang DOR sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay o mataas na digri?

Oo. Kung ikaw ay isang kasaluyang kliyente ng DOR maaari kang humingi ng pagbabago sa iyong Individualized Plan for Employment (Ibinabagay na Plano para sa Pagtatrabaho, IPE) upang magsama ng karagdagang mga serbisyo na tulad ng karagdagang pagsasanay, kung kailangan mo ito upang makakuha ng trabaho na nakakatugon sa iyong hangarin. O maaari mong hingin sa DOR na baguhin ang iyong hangarin, na maaaring kabilang ang pagsasanay para sa mataas na digri.

Kung ikaw ay hindi isang kliyente ng DOR, maaari mong buksan ang isang bagong kaso sa DOR upang humiling ng tulong na makamit ang isang ispesipikong hangaring pangkarera, na maaaring kabilang ang pagsasanay para sa mataas na digri. Maaaring isaalang-alang ng DOR ang iyong mga kasanayan, kakayahan at pamilihan ng paggawa upang tumulong na pagpasyahan kung ang iyong piniling hangarin ay magiging angkop.

5. Maaari ba akong dumalo sa part-time na pagsasanay?

Oo. Maaari kang dumalo sa part-time na pagsasanay dahil sa iyong kapansanan o ibang mga factor. Halimbawa, kung ikaw ay nagtatrabaho na sa araw upang mabayaran ang iyong mga bill at makakadalo lamang sa pagsasanay sa gabi nang part-time, dapat magawa ng DOR na tulungan ka. Maaaring makatanggap ka ng mas mababang pinansiyal na tulong kung dadalo ka sa part-time na pagsasanay, kaya mahalagang sabihin sa iyong tagapayo kung bakit ang part-time na pagsasanay ay kailangan upang makamit ang iyong hangarin.

6. Anu-anong mga serbisyo at suporta ang makukuha ko habang lumalahok ako sa pagsasanay?

Habang tumatanggap ng mga serbisyong pagsasanay, ang DOR ay maaaring magkaloob sa iyo ng iba’t ibang mga serbisyo at suporta. Sa mga halimbawa ng mga suportang ito ay kabilang ang, pero hindi limitado sa, mga sumusunod:

  • mga serbisyong personal na tulong;
  • mga libro at ibang mga suplay na may kaugnayan sa paaralan;
  • mga kagamitan o kasangkapan;
  • transportasyon, tulad ng isang pases sa bus o pera para sa gas;
  • mga modipikasyon ng sasakyan upang madali mong magamit ang isang sasakyan;
  • Assistive Technology (Tumutulong na Teknolohiya, AT), tulad mga computer, software program, text reader, calculator, magnifier, pagsasanay sa AT, atbp.;
  • internet access;
  • mga gastos sa pagpapanatili, tulad ng mga uniporme ng paaralan, isang-beses na mga deposito para sa utilidad, at pabahay sa paaralan sa ilang pagkakataon;
  • Ibang kalakal at serbisyo na ipinasyang kailangan para makamit mo ang iyong hangarin sa pagtatrabaho.

Kapag dumadalo sa isang pampublikong kolehiyo o unibersidad, kung kailangan mo ng makatwirang mga kaluwagan, kakailanganin mong hilingin ang mga ito nang tuwiran mula sa institusyon na iyon. Kabilang dito ang mga serbisyong personal na tulong na tulad ng mga tagabasa, interpreter at note taker. Gayunman, kung hindi ka makakuha ng mga kaluwagan na kailangan mo mula sa paaralan, maaari kang humiling na ipagkaloob ng DOR ang mga ito sa iyo kung kailangan mo ang mga ito dahil sa iyong kapansanan.

7. Ako ba ay inaasahang magbayad para sa mga serbisyong pagsasanay?

Ang batas ay nagsasaad na ang mga serbisyong pagsasanay ay di-saklaw ng pinansiyal na paglahok ng kliyente, na nangangahulugan na hindi mo kailangang bayaran ang mga ito. Kabilang dito ang halaga ng tuition, mga libro, suplay, isahang pagtuturo, at mga materyal na may kaugnayan sa pagsasanay. I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa mga tuntunin sa pinansiyal na paglahok ng kliyente.

Mangyaring tandaan na ang DOR ay magbabayad lamang para sa pinakamurang mga serbisyo na nakakatugon sa iyong mga pangangailangan. Halimbawa, kung pinili mong mag-aral sa isang 4-na-taong kolehiyo para sa iyong unang dalawang taon, ikaw ay maaaring atasang magbayad para sa diperensiya sa halaga ng kolehiyo ng komunidad, maliban kung maipapakita mo kung bakit ang pag-aaral sa isang 4-na-taong kolehiyo para sa unang dalawang taon ay kailangan upang matugunan ang iyong mga pangangailangan. Katulad nito, kung pipiliin mong pumasok sa isang pribadong paaralan, ikaw ay maaaring atasang magbayad ng diperensiya sa halaga ng pampublikong paaralan. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpopondo para sa mga pribadong paaalan at 4-na-taong kolehiyo tingnan ang mga tanong 9-10 sa ibaba.

8. Kailangan ko bang gamitin ang aking mga gawad na pinansiyal na tulong at iskolarship para sa gastos sa aking pagsasanay?

Oo. Ang DOR ay hindi magbabayad para sa iyong mga serbisyong pagsasanay maliban kung gumawa ka ng “pinakamalaking pagsisikap” upang kumuha ng gawad na tulong upang magbayad muna para sa lahat o bahagi ng iyong pagsasanay. Ang pinakamalaking pagsisikap ay nangangahulugang dapat kang mag-aplay para sa pampublikong gawad at gamitin ang mga pondong ito para sa gastos sa iyong pagsasanay, bago makapagbayad ang DOR para sa anumang natitirang gastos. Kahit na ikaw ay hindi karapat-dapat para sa pinansiyal na tulong, dapat ka pa ring mag-aplay para rito at magbigay ng isang pagtanggi sa DOR. May ilang eksepsyon sa tuntuning ito, kabilang ang mga gawad at iskolarship na batay sa merito, Plans for Achieving Self-Support (Mga Plano para sa Pagkakamit ng Suporta sa Sarili, PASS), at hindi mula sa pamahalaan na mga pribadong pondo. Ang DOR ay hindi makakagamit ng mga pondong ito para sa gastos sa iyong pagsasanay,

Ang DOR ay magpapasya ng antas ng mga pondong ipagkakaloob nila para sa iyong mga pangangailangan ng pagsasanay sa pamamagitan ng pagbawas ng kabuuang halaga ng iyong mga gawad sa edukasyon at/ o mga award mula sa gastos sa iyong tuition, libro, suplay, pagpapanatili at transportasyon. Ang natitira ay ang halagang babayaran ng DOR. I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa pinakamalaking pagsisikap.

Ang isang mahalagang bagay na dapat pansinin ay ang DOR ay hindi nagbabayad para sa mga klase hanggang makumpleto mo ang iyong mga kurso para sa semestreng iyon. Sa sandaling aprubahan ang iyong mga serbisyong pagsasanay, ang kolehiyo o unibersidad na pinapasukan mo ay dapat tumanggap ng isang “awtorisasyon/pangakong magbayad” mula sa DOR. Ang paaralan ay magpapadala pagkaraan ng isang invoice sa DOR sa pagsasara ng bawat semestre. Mahalagang magbigay ka sa DOR ng impormasyon tungkol sa mga petsa at gastos bago ang semestre upang makapag-isyu ang DOR ng awtorisasyon, na magpapahintulot naman sa iyo na magparehistro sa paaralan o kolehiyo.

9. Kailangan ko bang pumunta sa kolehiyo ng komunidad bago ako mag-enrol sa isang apat-na-taong kolehiyo o unibersidad?

Ang batas ay nagsasaad na ang mga kliyenteng tumatanggap ng antas-ng-kolehiyo na pagsasanay ay dapat munang pumasok sa isang kolehiyo ng komunidad at saka lumipat sa isang apat-na-taong kolehiyo ng estado o unibersidad, dahil iyon ay pangkaraniwang mas mababa ang gastos na alternatibo.

Gayunman, may ilang eksepsyon sa tuntuning ito. Kung maipapakita mo na ang pagpasok sa isang apat-na-taong kolehiyo o unibersidad ay magiging kapantay ng o mas mababa kaysa pagpasok sa kolehiyo ng komunidad para sa unang dalawang taon, ang DOR ay maaaring sumang-ayon na pondohan ang apat-na-taong kolehiyo. O, kung maipapakita mo na ang pagpasok sa isang kolehiyo ng komunidad sa halip ng isang 4-na-taong kolehiyo ay magiging dahilan ng malaking pagkaantala sa iyong pagsisikap na magkatrabaho dahil sa mga dahilang kaugnay ng kapansanan, ang DOR ay maaaring sumang-ayon na pondohan ang isang 4-na-taong kolehiyo. Bilang alternatibo, kung ang gastos sa isang apat-na-taong kolehiyo o unibersidad ay higit sa kolehiyo ng komunidad at hindi mo maipakita kung bakit ang 4-na-taong kolehiyo ay kailangan, ikaw ang magiging responsable para sa balanse ng iyong mga gastos na kaugnay ng edukasyon para sa unang dalawang taon ng paaralan.

I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa pagpopondo sa antas ng kolehiyo na pagsasanay.

10. Maaari bang magbayad ang DOR para sa aking pagsasanay sa pamamagitan ng isang pribadong paaralan?

Ang DOR ay maaaring mag-awtorisa ng pagsasanay sa isang pribadong unibersidad kung may isa o higit ng mga sumusunod na kondisyon:

  1. Ang isang pribadong paaralan ay mas mahusay na makakatugon sa iyong mga pangangailangan; o
  2. Ang gastos ay magiging mas mababa kaysa isang pampublikong paaralan; o
  3. Ang pagsasanay ay hindi makukuha sa isang pampublikong paaralan; o
  4. Ang pagpasok sa isang pampublikong paaralan ay magdudulot ng malaking pagkaantala sa pagkakamit ng hangarin sa pagtatrabaho.

I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa pagpopondo sa pribadong paaralan.

Kung natutugunan mo ang isa sa mga eksepsyon sa itaas, ang DOR ay magpopondo sa natitirang gastos sa iyong pagpasok kabilang ang tuition, mga libro, suplay, transportasyon at pagpapanatili sa isang pribadong kolehiyo o unibersidad pagkatapos ilapat ang iyong mga gawad na pinansiyal na tulong at mga iskolarsip.

Kung hindi mo natutugunan ang isa sa mga eksepsyon na nasa itaas, maaari mo pa ring piliing pumasok sa isang pribadong institusyon para sa iyong pagsasanay sa halip ng isang pampublikong paaralan. Gayunman, kung pinili mong pumasok sa isang pribadong institusyon, at may isang pampublikong paaralan na sapat upang matugunan ang mga pangangailangan ng pagsasanay, ikaw ang magiging responsable para sa anumang natitirang mga gastos na higit sa halaga ng pampublikong paaralan.

11. Maaari bang magbayad ang DOR para sa aking pagsasanay sa ibang estado?

Oo. Ang DOR ay maaaring magbayad para sa iyong pagsasanay sa labas ng estado. Kung walang angkop na paaralan o kurso na makukuha sa California, o, kung ang pagpasok sa isang programang pagsasanay sa California ay magpapataw ng hindi kailangang paghihirap ang DOR ay maaaring magbayad ng buong halaga ng pribadong paaralan. I-click dito upang basahin ang regulasyon tungkol sa pagsasanay sa labas ng estado.

Makakapili ka rin na pumasok sa isang akreditadong kolehiyo sa labas ng estado bilang bahagi ng iyong may-kaalamang pagpili. Gayunman, kung ang pagsasanay na kailangan mo ay makukuha sa estado, ang DOR ay maaaring magkaloob ng pagpopondo na hanggang sa halaga ng estado at ikaw ang magiging responsable para sa pagbabayad ng diperensiya.

12. Kailan maaaring itigil ng DOR ang pagbabayad para sa aking mga serbisyong pagsasanay?

Kapag natapos mo na ang iyong pagsasanay na kailangan para sa iyong hangarin sa pagtatrabaho, and DOR ay hindi na magbabayad para sa iyong pagsasanay. Maaari ring itigil ng DOR ang mga serbisyong pagsasanay dahil sa kawalan ng progreso. Kung ang programang pagsasanay ay hindi nakakatugon sa iyong mga pangangailangan, maaari mong isaalang-alang ang pakikipag-usap sa iyong tagapayo ng DOR tungkol sa pagbabago ng iyong programa. I-click dito upang basahin ang regulasyon na nagpapaliwanag kung kailan maititigil ng DOR ang mga serbisyong pagsasanay.

Kung hindi ka sumasang-ayon sa desisyon ng DOR na itigil ang iyong mga serbisyong pagsasanay, dapat kang makipag-usap sa iyong tagapayo at/o superbisor ng DOR. Kung hindi mo nagawang resolbahin ang iyong hindi pagsang-ayon, may karapatan kang humiling ng isang Pagsusuring Pampangasiwaan sa Tagapangasiwa ng Distrito, o humiling ng Pamamagitan, at/o Makatarungang Pagdinig sa isyu.

Upang humiling ng tulong sa pagresolba ng mga hindi pagkakasundo sa DOR na may kaugnayan sa mga serbisyong pagsasanay na pang-edukasyon o ibang mga isyu sa DOR, maaari mong kontakin ang Programang Tulong sa Kliyente sa (800) 776-5746.