Mga Pamantayan para Maging Kwalipikado ang mga Anak sa SSI: Tampok ang Pagsusuri sa Kita ng Magulang

Publications
#5017.08

Mga Pamantayan para Maging Kwalipikado ang mga Anak sa SSI: Tampok ang Pagsusuri sa Kita ng Magulang

Ang Karagdagang Panseguridad na Kita (SSI, Supplemental Security Income) ay isang benepisyong pederal na nakabatay sa mga pangangailangan ng kwalipikadong mga taong may kapansanan, bulag, o matanda (65 pataas) na pinangangasiwaan ng Pangasiwaan ng Social Security (SSA, Social Security Administration).

Disclaimer: Ang publication na ito ay legal na impormasyon lamang at hindi legal na payo tungkol sa iyong indibidwal na sitwasyon. Ito ay kasalukuyang sa petsa na nai-post. Sinusubukan naming i-update ang aming mga materyales nang regular. Gayunpaman, ang mga batas ay regular na nagbabago. Kung gusto mong matiyak na hindi nagbago ang batas, makipag-ugnayan sa DRC o ibang legal na opisina.

I. Ano ang SSI?

Ang Karagdagang Panseguridad na Kita (SSI, Supplemental Security Income) ay isang benepisyong pederal na nakabatay sa mga pangangailangan ng kwalipikadong mga taong may kapansanan, bulag, o matanda (65 pataas) na pinangangasiwaan ng Pangasiwaan ng Social Security (SSA, Social Security Administration).1 Ang mga anak ay kwalipikado sa SSI kung natutugunan nila ang mga pamantayan para maging kwalipikado sa:

  1. Edad,
  2. Kita,
  3. Mga mapagkukunan,
  4. Paninirahan,
  5. Pagkamamamayan, at
  6. Kapansanan.

Sasaklawin ng lathalaing ito ang lahat ng pamantayan para maging kwalipikado ang anak sa SSI maliban sa kapansanan.

II. Depinisyon ayon sa SSA ng Anak para sa SSI

Para sa mga layunin ng SSI, tinutukoy ng SSA ang anak bilang:

  1. taong wala pang 18 taong gulang; o,
  2. taong wala pang 22 taong gulang na regular na pumapasok sa paaralan, kolehiyo, o pagsasanay na dinisenyo para ihanda ang indibidwal para sa trabahong may suweldo.2

Tandaan lang, na ang mga indibidwal sa kategorya (2) ay nananatiling “anak” lang para sa layuning patuloy na tumanggap ng SSI sa rate ng benepisyo ng anak kahit na mag-18 taong gulang siya, kahit hindi sila pasok sa kahulugan ng may kapansanan para sa nasa hustong gulang. Madalas ang mga itong tawaging Mga Pagbabayad alinsunod sa Seksyon 301 at tatalakayin nang mas detalyado sa Muling Pagpapasya sa Edad 18 sa Seksyon VII sa ibaba.

Dagdag pa, para maituring na anak, ang isang indibidwal ay hindi maaaring may-asawa o puno ng sambahayan.3

III. Pagiging Kwalipikado sa Kita ng Anak

Bago natin talakayin ang pagsusuri sa kita ng magulang, na tungkol sa kung paano tinutukoy ng SSA kung kwalipikado ang anak na wala pang 18 taong gulang para sa SSI sa ilalim ng mga tuntunin sa kita at mapagkukunan, dapat maunawaan ng mga tagapagtaguyod (1) ang sistema para sa retrospective na buwanang accounting ng SSA para sa mga layunin ng pag-uulat, at (2) ang kasalukuyang rate ng SSI para sa mga bata sa California.

a. Ano ang Sistema para sa Retrospective na Buwanang Accounting ng SSA?

Ang SSA ay gumagamit ng pagkalkula sa retrospective na buwanang accounting sa panahon ng pagiging kwalipikado sa SSI.4 Nangangahulugan itong ang tinatanggap at inuulat na kita ng magulang para sa Enero sa SSA, ang tutukoy sa halaga ng SSI ng kanilang anak pagkaraan ng dalawang buwan, sa Marso.5 Kahit ganito tinutukoy ng SSA ang buwanang halaga ng SSI ng iyong anak, maaaring suspindehin ng SSA ang mga benepisyo ng iyong anak sa buwan kung kailan nito natuklasang sobra ka sa kita.

Sa pangkalahatan, ang anak ay may karapatang muling mabalik ang SSI nang walang panibagong aplikasyon kung ang mabibilang na kita ng magulang ay bumaba nang sapat sa loob ng 11 buwan kasunod ng suspensyon.6 Gayunman, kung magpapatuloy ang pagkadiskwalipika sa kita sa loob ng 12 buwan, ang suspensyon ay maaaring mauwi sa pagpapatigil ng benepisyo.7

b. Ano ang Rate ng Pagbabayad para sa mga Bata sa California sa 2025?

Sa 2025, ang anak na may kapansanan sa California na wala pang 18 taong gulang, na tumutugon sa lahat ng kailangan para maging kwalipikado, ay maaaring makatanggap ng hanggang $1,064.27 bawat buwan, na kinabibilangan ng suplemento ng estado ng California.8 Nakabatay kung matatanggap ng anak ang buong halaga ng SSI sa pagkalkula ng pagsusuri sa kita ng magulang na isinagawa ng SSA.

c. Ano ang Pagsusuri sa Kita ng Magulang?

Ang pagsusuri sa kita ng magulang ay ang pagturing sa kita at mga mapagkukunan ng magulang bilang pagmamay-ari ng kanilang anak na wala pang 18 taong gulang na kwalipikado para sa SSI.9 Matatagpuan ang mga regulasyon sa pagsusuri sa kita ng magulang sa anak sa 20 Code ng mga Pederal na Regulasyon §§ 416.1160; 416.1161, at 416.1165.

Kasama sa kita ng magulang ang kitang pinagtrabahuhan at hindi pinagtrabahuhan. Maaaring kasama sa “kita” ang sahod/suweldo ng magulang o kita mula sa sariling pagsisikap.10

Maaaring kasama sa mga kita ang mga sahod sa Mga Serbisyo sa Suporta sa Loob ng Tahanan (IHSS, In-Home Supportive Services) na natanggap sa pagtatrabaho para sa anak na may kapansanang nasa hustong gulang kahit ang anak na mahigit 18 taong gulang ay tumatanggap ng Mga Pagbabayad alinsunod sa Seksyon 301 ng SSI at nakatira sa bahay na tinitirhan mo at ng iyong anak na kwalipikado sa SSI.11

Lahat maliban sa sahod ay maaaring ituring na “kitang hindi pinagtrabahuhan.” Ang ilang halimbawa ng kitang hindi pinagtrabahuhan ay kinabibilangan ng mga regalo, mga benepisyo sa kawalan ng trabaho, mga benepisyo sa kapansanan ng estado, at mga benepisyo ng Insurance para sa Social Security ng may Kapansanan (Social Security Disability Insurance).12

Isasaalang-alang ng SSA ang kabuuang buwanang kitang pinagtrabahuhan at/o kitang hindi pinagtrabahuhan ng tunay na (mga) magulang, nag-ampong (mga) magulang, at/o ng imadrasta/amain basta't nakatira sila sa bahay na tinitirhan ng anak na nag-aaplay para sa SSI.13 Kung ang magulang ay hindi nakatira sa bahay na tinitirhan ng anak na nag-aaplay para sa SSI, hindi ibibilang ang kita ng magulang na iyon.14

Kung ang mga magulang ng anak na tumatanggap ng SSI ay may nasa joint (50/50) custody, isasaalang-alang ng SSA ang kita at mga mapagkukunan ng magulang kung kanino nakatira ang anak sa unang araw ng buwan para sa mga pagsusuri sa kita.15

d. Mga Pagbubukod sa Pagsusuri sa Kita ng Magulang

Ang SSA ay hindi magsasagawa ng pagkalkula sa pagsusuri sa kita ng magulang kung ang walang tirahan ang pamilya.16

Hindi rin ilalapat ng SSA ang pagkalkula sa pagsusuri sa kita kung nakatira ang anak sa bahay ng taong hindi niya magulang at may partikular na pangalan ng kategorya sa pagbabayad para dito na tinatawag na rate ng “anak na menor de edad na may kapansanang nakatira sa ibang bahay,” na bawat buwan ay $747.20, sa kasalukuyan, sa California.17

e. Kita na Hindi Kasama sa Pagkalkula ng Pagsusuri sa Kita ng Magulang

Ang sumusunod na mga uri ng kita ay hindi kasama sa pagkalkula ng pagsusuri sa kita ng magulang: (1) CalWORKs (Pansamantalang Tulong para sa mga Nangangailangang Pamilya), (2) Pangkalahatang Kaluwagan/Pangkalahatang Tulong, (3) Tulong na Cash para sa Refugee, (4) mga stamp ng pagkain, ibig sabihin ay CalFresh/SNAP, (5) Mga pagbabayad ng IHSS para sa anak na aplikanteng wala pang 18 taong gulang na kwalipikado sa SSI na nakatira sa iisang bahay, (6) Seksyon 8 at iba pang may subsidiya sa pagbabayad na pabahay, at (7) sangkatlo ng anumang suporta sa anak.18

f. Ano ang mga Hakbang sa Pagkalkula sa Pagsusuri sa Kita ng Magulang?

Tatalakayin sa subseksyong ito ang siyam na hakbang na nauugnay sa karaniwang pagkalkula sa pagsusuri sa kita ng magulang batay sa sumusunod na hipotetikal na pamilya. Sa hipotetikal na sambahayan namin, may isa kaming aplikante: si Max. Isa siyang batang pitong taong gulang at may mga kapansanan. Nakatira si Max kasama ang kanyang Ina, at tatlong nakababatang kapatid sa apartment. Si Max ay hindi kailanman nag-aplay para sa SSI dati. Ang Ina ni Max ay nagtatrabaho at kumikita ng $3,500 sa isang buwan (bago kaltasin ang mga buwis) at walang ibang pinagkakakitaan.

Hakbang 1- Tukuyin kung saan nakatira ang anak at kung kanino siya nakatira, at ang mga pinagkakakitaan ng sambahayan. Sa aming halimbawa, ang aming kwalipikadong batang si Max ay nakatira kasama ng kanyang Ina at tatlong nakababatang kapatid at si sumusuweldo ang kanyang Ina ng $3,500 sa isang buwan bago kaltasin ang mga buwis (gross na kita).

Hakbang 2- Tukuyin kung gaano karaming hindi kwalipikadong anak ang nakatira sa parehong bahay na tinitirhan ng aplikante para sa SSI at ibawas ang alokasyon sa hindi kwalipikadong anak. Ang hindi kwalipikadong anak ay tunay o ampong anak ng magulang ng Aplikante para sa SSI o ng asawa ng kanyang magulang na nakatira sa bahay na tinitirhan ng aplikante para sa SSI at hindi kwalipikado para sa mga benepisyo ng SSI.19 Kabilang dito ang anak na nag-aplay para sa SSI at tinanggihan kahit may apelang nakabinbin sa SSA.

Sa halimbawang ito, ang anak na kwalipikado para sa SSI ay 7 taong gulang, at may tatlong nakababatang kapatid na walang kapansanang kasama niya sa iisang bahay. Ibawas ang kaltas sa hindi kwalipikadong anak para sa lahat ng tatlong nakababatang kapatid mula sa kitang pinagtrabahuhan ng Ina ($3,500). Ang kaltas sa hindi kwalipikadong anak ay ang natitira sa pagitan ng Pederal na Rate ng Benepisyo (FBR, Federal Benefit Rate) para sa mag-asawa ($1,450 sa 2025) at FBR para sa isang indibidwal ($967 sa 2025). Sa aming halimbawa, ikakaltas namin ang $483—ang rate sa 2025 para sa hindi kwalipikadong anak, tatlong beses mula sa kitang pinagtrabahuhan ng Ina na $3,500 na katumbas ng $2051.

Hakbang 3- Ibawas ang $20 na pagbubukod sa pangkalahatang kita mula sa anumang natitirang kitang hindi pinagtrabahuhan. Dito, walang kitang hindi pinagtrabahuhan, kaya nagbabawas kami ng $20 mula sa natitirang kitang pinagtrabahuhang katumbas ng $2031.

Hakbang 4- Magbawas ng $65 mula sa natitirang kitang pinagtrabahuhan. Dito, ang $2,031 na binawasan ng $65 ay $1966.

Hakbang 5- Kunin ang natitira at hatiin ito sa kalahati. Dito, ang $1966 kapag hinati sa dalawa ay $983.

Hakbang 6- Ibawas ang allowance sa pamumuhay ng magulang. Ang allowance sa pamumuhay ng magulang ay ang FBR para sa taong mag-isa kung nasa tahanang may isang magulang, o ang FBR para sa mag-asawa kung nasa tahanang dalawa ang magulang. Dito, ang $983 kapag binawasan ng $967 para sa isang tahanang iisa ang magulang ay $16.

Hakbang 7- Kunin ang kasalukuyang rate ng SSI para sa isang bata sa California na $1,064.27 at ibawas ang halagang nasuri sa kita. Dito, ang halagang nasuri mula sa kita ng Ina patungo sa kwalipikadong anak na si Max ay $16. Samakatuwid, kung natutugunan ng anak ang pakahulugan sa kapansanan at iba pang pamantayan para maging kwalipikado sa SSI, ang buwanang halaga ng kanyang benepisyo ay magiging $1,048.27.20

Hakbang 8- Kapag hindi lang iisa ang kwalipikadong anak sa tahanan, hatiin ang halagang nasuri sa kwalipikadong mga anak. Kung maraming anak na may kapansanang wala pang 18 taong gulang sa tahanan at hindi kailanman pinagkaitan ng SSI, inaatasan ang SSA sa Hakbang 8 na hatiin ang halagang nasuri sa kwalipikadong mga anak. Dito, wala nang iba pang kwalipikadong anak sa tahanan.

Hakbang 9- Ibawas ang anumang kitang pinagtrabahuhan ng anak. Sa Hakbang 9, ibabawas ng SSA ang anumang kita ng anak, gayunma’y bihira ito dahil sa Hindi Kasama sa Kinitang Kita ng Mag-aaral na tinalakay nang mas detalyado sa Seksyon III.h. sa ibaba.

g. Mga Karagdagang Hipotetikal na Pagsusuri sa Kita ng Magulang

Dagdag pa, isaalang-alang lang ang sumusunod na mga hipotetikal na sitwasyon:

i. Unang Halimbawa: Ang magulang ay IHSS Provider para sa kanyang Anak at sa Anak na Nasa Hustong Gulang

Si Joy ay batang 4 na taong gulang na kwalipikado para sa SSI at kasama sa bahay ang kanyang Ama at kuya na si Punit na 19 na taong gulang at tumatanggap ng Mga Pagbabayad alinsunod sa Seksyon 301 (Tingnan ang Seksyon VII sa ibaba) at na isang mag-aaral. Nakatira ang pamilya sa apartment. Nagtatrabaho ang Ama ni Joy bilang IHSS provider kapwa para kay Joy at Punit at kumikita ng $1,200 sa pagbibigay ng IHSS kay Joy at $900 sa pagbibigay ng IHSS kay Punit. Wala na siyang iba pang kita. Paano tinutukoy ng SSA ang halagang para kay Joy?

Dito, hindi isasama ng SSA ang kita ng ama ni Joy sa pagtatrabaho para kay Joy bilang kanyang IHSS provider pero isasama ang kitang pinagtrabahuhan mula sa pag-aalaga sa anak na si Punit na nasa hustong gulang, kahit na tumatanggap sila ng mga pagbabayad alinsunod sa Seksyon 301. Samakatuwid, kukunin ng SSA ang $900 na kinita ng Ama ni Joy para sa pagbibigay ng IHSS para kay Punit at magbabawas ng $0 para sa mga anak na hindi kwalipikado dahil si Punit ay hindi isang anak na hindi kwalipikado dahil siya ay mahigit 18 taong gulang na. Pagkatapos nito, ibabawas ng SSA ang $85, hahatiin ang resulta sa kalahati, at ibabawas ang allowance sa pamumuhay ng magulang para sa tahanang may iisang magulang:

$900 - $85 = $815 hatiin sa 2 = $407.50 - $967 = -$559.50

Dito, ang halagang nasuri sa kita ay negatibong numero. Kaya, kung si Joy ay medikal na kwalipikado para sa SSI, magiging kwalipikado siya sa buong halagang $1,064.27.

ii. Ikalawang Halimbawa: Ang mga Magulang ng Bata ay may 50/50 kustodiya at ang Magulang ng Aplikante ay tumatanggap ng $600 na suporta sa anak kada buwan.

Sa susunod na halimbawang ito, ipalagay na ang aming anak na kwalipikado para sa SSI na si Armando ay nakatira sa Magulang 1 (Maria) at Magulang 2 (Pedro) sa magkaparehong tagal sa magkaibang tahanan sa buong buwan. Gayunman, si Maria ang magulang na nag-aaplay para sa SSI ni Armando; at si Armando ay nakatira kay Maria sa unang araw ng buwan, kada buwan. Si Maria ay tumatanggap ng $600 sa isang buwan bilang suporta sa anak mula kay Pedro at nagtatrabaho sa lokal na tindahan at kumikita ng $2,000 sa isang buwan. Wala nang iba pang anak o taong nakatira sa bahay ni Maria.

Dito, hindi isasama ng SSA ang sangkatlo ng $600 na suporta sa bata pero ang $400 ay ibibilang na pagmamay-ari ng bata. Babawasan ng SSA ng $85 ang kabuuang buwanang kitang pinagtrabahuhan ni Maria na nagreresulta sa $1,915, saka hahatiin sa kalahati na katumbas ng $957.5. Ang allowance sa pamumuhay ng magulang na $967, saka ibabawas ang katumbas ng negatibong $9.50. Bagama’t walang halagang nasuri mula sa kita ni Maria patungo kay Armando, babawasan ng SSA ng $400 (2/3 ng suporta sa bata) dolyar mula sa kabuuang halaga ng SSI para sa isang bata na $1,064.27 kaya kung mapatunayang kwalipikado si Armando sa ilalim ng lahat ng iba pang kailangan sa pagiging kwalipikado, ang kanilang buwanang benepisyo ay magiging $664.27.

h. Ang Hindi Kasama sa Kinitang Kita ng Mag-aaral

Ang Hindi Kasama sa Kinitang Kita ng Mag-aaral (SEIE, Student Earned Income Exclusion) ay angkop sa lahat ng indibidwal na mga nagtatrabahong mag-aaral na wala pang 22 taong gulang, hindi lang ang mga tumutugon sa kahulugan ng SSI sa isang bata. Pinahihintulutan ng SEIE ang isang indibidwal na wala pang 22 taong gulang at regular na pumapasok sa paaralang magkaroon ng mga kitang hindi kasama sa kinita. Sa 2025, ang gayong indibidwal ay maaaring hindi magsama ng hanggang $2,350 kada buwan at hanggang $9,460 kada taon.21

Regular na pumapasok ang mag-aaral sa paaralan kung kumukuha siya ng kahit man lang isang kurso at pumapasok sa:

  1. kolehiyo o unibersidad sa loob ng kahit man lang 8 oras kada linggo;

  2. baitang 7-12 sa loob ng kahit man lang 12 oras kada linggo;

  3. kurso sa pagsasanay para maghanda para sa trabaho sa loob ng kahit man lang 12 oras kada linggo (15 oras kada linggo kung ang kurso ay may kasamang pagsasanay sa shop); o,

  4. mga kurso/programa sa binawasang credit load o attendance ayon sa nakasaad sa itaas, kung ito ay sa kadahilanang wala sa kontrol ng mag-aaral, tulad ng karamdaman.22

IV. Pagiging Kwalipikado sa Mapagkukunan ng Bata

Sa pangkalahatan, ang SSA ay may limitasyong makukuha na $2,000 para sa tahanang may iisang magulang at $3,000 para sa tahanang may dalawang magulang. Bukod pa ito sa indibidwal na limitasyong makukuha ng kwalipikadong bata na $2,000. Ang mga mapagkukunan ay cash, personal na ari-arian, o real property na pagmamay-ari ng isang tao o na puwedeng palitan ng cash (kung hindi pa cash).23 Tinutukoy ng SSA kung gaano karaming mabibilang na mapagkukunan na mayroon ang isang tao gamit ang tuntuning Unang Araw ng Buwan (FOM, First-of-the-Month). Nangangahulugan itong ibibilang ang mga nabibilang na mapagkukunan ng isang tao sa unang araw ng buwan.24 Gayunman, tulad ng pagsusuri sa kita ng magulang, may ilang pagbubukod ang SSA sa ilalim ng mga pangkalahatang tuntunin para sa pagsusuri sa mapagkukunan ng magulang.

Halimbawa, hindi mapapabilang na mapagkukunan ang mga pensyon o pondo sa pagreretiro tulad ng mga Account sa Pagreretiro ng Indibidwal, KEOGH, o annuity na ipinagpaliban ang buwis.25 Hindi tulad ng mga tuntunin ng SSI na mapagkukunan ng mga nasa hustong gulang, hindi inaasahan ng SSA na gastusin ng mga magulang ang kanilang mga pondo sa pagreretiro bago maging kwalipikado ang kanilang mga anak na may kapansanan para sa SSI.

Hindi rin isasama ng SSA ang: isang sasakyan para sa transportasyon at isang bahay kung doon nakatira ang (mga) magulang at anak.26 Kabilang sa iba pang pagbubukod ang life insurance, paglilibingan, at pondo para sa libing. Gayundin, may siyam na buwan ang mga magulang para gastusin ang mga kaloob at/o mga scholarship na natamo para sa edukasyon bago ituring ang mga itong mapagkukunan.27

Hindi rin isasama ng SSA ang ari-ariang mahalaga sa pagsuporta sa sarili tulad ng pagkakaroon ng trak na pantrabaho bukod pa sa regular na sasakyan para sa transportasyon. Aangkop ito kung gagamitin ng magulang ang trak para lang sa kanilang kalakalan o negosyo.28

V. Pagiging Kwalipikado sa Pagtira ng Bata

Para sa SSI, karaniwan, kailangan ay naninirahan ang mga bata sa Estados Unidos para matanggap ang kanilang mga benepisyo sa SSI. Sa aming karanasan, maaaring magkaroon ng access ang SSA sa mga rekord sa pagtawid sa hangganan sa pagitan ng Mexico at California at gamitin ang mga ito bilang batayan para itigil ang mga benepisyo. Kung naghihinala ang SSA na nakatira ang bata sa ibang bansa nang mas maraming araw sa isang buwan kaysa sa pagtira nila sa Estados Unidos, malamang na pagsisimulan ito ng pagpapatigil sa benepisyo batay sa mga kinakailangan sa paninirahan.29

VI. Pagiging Kwalipikado ng Bata sa Pagkamamamayan

Para sa SSI, karaniwang kailangang ang mga bata ay mga mamamayan ng Estados Unidos, o hindi mamamayang kwalipikadong dayuhan o kasama sa isa sa ilang partikular na klasipikasyon ng mga dayuhang ipinagkaloob ng Departamento ng Seguridad ng Bansa (Department of Homeland Security).30 Bagama't hindi isinasaalang-alang ang katayuan sa migrasyon ng magulang ng bata, may seksyon sa aplikasyon ng bata para sa SSI na humihingi ng katayuan sa migrasyon ng bawat miyembro ng pamilya kung saan nakatira ang batang aplikante.31 Maaaring naisin ng mga magulang na kumonsulta sa abogado sa migrasyon bago ibunyag ang gayong impormasyon sa ahensya ng gobyernong pederal.

Magiging kwalipikado ang mga batang may katayuang refugee o political asylum para sa SSI sa unang 7 taon mula sa kanilang pagdating sa Estados Unidos.32

VII. Muling Pagpapasya sa Edad na 18

Kapag nag-18 taong gulang ang batang kwalipikado sa SSI, ang SSA ay magsasagawa ng panibagong pagsusuring medikal ng indibidwal gamit ang kahulugan ng kapansanan ng nasa hustong gulang at ang limang hakbang na sunud-sunod na pagsusuri.33 Ang pagsusuri sa kita ng magulang ay titigil kapag nag-18 taong gulang ang bata. Gayunman, ang mga tuntunin para sa In-kind na Suporta at Pagmentena ay maaaring iangkop ng Tanggapan ng SSA kapag nag-18 taong gulang ang bata para maibaba ang halaga ng SSI ng iyong anak na nasa hustong gulang.

Mag-click dito para sa iba pang impormasyon sa In-kind na Suporta at Pagmentena, at mga bagong tuntuning tumutulong sa mga tatanggap na mapanatili ang mas marami sa kanilang mga buwanang benepisyo.

Dapat malaman ng mga advocate at tagapagtaguyod sa sarili na aabisuhan ng SSA ang indibidwal na magaganap ang proseso sa muling pagpapasya sa edad na 18, at maaaring hilingin sa indibidwal na kumpletuhin ang mga form o dumalo sa isang pangkonsultang pagsusuri sa isa sa mga doktor ng SSA. Pagkatapos nito, magpapadala ang SSA ng nakasulat na pabatid ng kapasyahan nito. Kung matuklasang may kapansanan sa ilalim ng pamantayan para sa kapansanan ng mga nasa hustong gulang, magpapatuloy ang mga benepisyo sa rate ng SSI para sa nag-iisang taong nasa hustong gulang, na sa California sa 2025 ay $1,206.94. Kung ipatigil ang benepisyo dahil hindi nakakatugon sa pamantayan para sa kapansanan ng mga nasa hustong gulang, may 60 araw ang mga indibidwal para mag-apela sa desisyon, pero sampung (10) araw lang para humiling na ituloy ang mga benepisyo sa panahon ng apela. Limang araw ang kailangan ng SSA para magpadala sa koreo. Halimbawa, para sa pabatid ng pagpapatigil sa benepisyo na may petsang Hunyo 1, 2025, kailangang maisumite ang apela bago sumapit ang Hunyo 16, 2025 para matanggap ang kabayarang tulong, habang nakabinbin ang apela.

Ang mahalaga, dapat malaman ng mga tagapagtaguyod na hindi maaaring agad na ipatigil ng SSA ang mga benepisyo ng isang tao kapag nag-18 taong gulang ito kung nakikilahok pa rin ang indibidwal sa Plano sa Edukasyon ng Indibidwal o iba pang programa ng bokasyonal na rehabilitasyon. Kailangang maghintay ang SSA hanggang sa makumpleto ng indibidwal ang programang ito bago nito ipatigil ang mga benepisyo ng SSI para sa bata. Tinatawag ang mga itong mga pagbabayad alinsunod sa Seksyon 30134, at magpapatuloy hanggang makumpleto ng iyong anak na nasa hustong gulang ang programang pang-edukasyon o bokasyonal na nilalahukan niya.

VIII. Konklusyon

Ang mga pamantayan sa pagiging kwalipikado ng mga bata para sa SSI, pati na ang pagkalkula ng pagsusuri sa kita ng magulang ay maaaring nakakadismaya para sa mga magulang na nag-aalaga sa anak na may kapansanang humihingi ng tulong mula sa SSA. Inaasahan ng Disability Rights California na makatulong ang lathalaing itong pasimplehin ang mga pamantayan sa pagiging kwalipikado. Pinahahalagahan namin ang iyong oras at pagbasa sa lathalaing ito para isulong ang iyong pagtataguyod sa sarili.